Pumunta sa nilalaman

Agapornis fischeri

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Fischer's lovebird
Klasipikasyong pang-agham edit
Dominyo: Eukaryota
Kaharian: Animalia
Kalapian: Chordata
Hati: Aves
Orden: Psittaciformes
Pamilya: Psittaculidae
Sari: Agapornis
Espesye:
A. fischeri
Pangalang binomial
Agapornis fischeri
Reichenow, 1887

Ang Fischer's lovebird (Agapornis fischeri) ay isang species ng African lovebird. Una itong natuklasan noong huling bahagi ng ika-19 na siglo at pinalahi sa Estados Unidos noong 1926. Isinunod ang pangalan nito sa Alemang manggagalugad na si Gustav Fischer.[1]

Luntiang likuran at asul na pigî ng Fischer's lovebird

Luntian ang likás na kulay ng likuran, dibdib, at pakpak ng Fischer's lovebird. Ginintuang dilaw naman ang kanilang leeg hanggang magíng matingkad na kahel pataas sa mukha. Ang tuktok ng ulo ay olibong lunti, at ang tuka nito'y matingkad na pula. May ilang lilà at bughaw na balahibo itó sa may buntot. May putíng balát itóng nakapalibot sa mga matá nitó na kung tawagin ay eyering. Ang mga batang ibon ay katulad ng mga gumulang na ibon liban sa kanilang kulay na hindi pa gaanong matingkad at may maitim na mantsa tukâ nitó. Isa ang Fischer's lovebird sa maliliit na uri ng lovebird, ang 14 cm (5.5 in)[2][3] ang lakí nito at may bigat na 43–58 gramo.

Bagaman luntian ang likás na kulay ng Fischer's lovebird, samot-saring kulay na ang napalahi mula nang ito'y simulang gawing alaga. Pinakamarami sa mga ito ang mga kulay asul—kawalan ng dilaw na pigment—matingkad na asul ang likuran, buntot, at dibdib nitó; putí naman ang leeg at mukha; mapusyaw na abo ang ulo at batok, at mapusyaw na rosas ang tukâ. Ang mutation na ito ay unang napalabas ni R. Horsham sa South Africa noong 1957, at pagkaraan ng dalawang taon napalabas din ito ni Dr. F. Warford sa San Francisco, California sa Estados Unidos. Ang dilaw na mutation naman—kawalan ng asul na pigment—ay unang lumitaw sa France. Ang mga itó ay karaniwang mapusyaw ang pagkadilaw na may kahel na ulo at pula ang tukâ.

Kawan ng ibon sa isang punò sa Serengeti, Tanzania

Taál ang mga Fischer's lovebird sa maliit na bahagi ng silangan ng gitnang Africa, sa timog at timog-kanluran ng Lawa ng Victoria sa hilagang Tanzania. Sa panahon ng tagtuyot, tumutungo pakanluran sa Rwanda at Burundi ang ilan sa mga populasyon nitó upang maghanap ng mamasa-masang matitirhan. Naninirahan ang mga Fischer's lovebird sa mga nakabukod na kumpol ng punò na may damuhan sa paligid. Matatagpuan sila sa maliliit na kawan at sa elebasyong may taas na 1,100–2,200 m. Tinatayang humigit-kumulang 290,000–1,000,000 ang populasyon nito sa iláng, ngunit kakaunti lang sa labas ng mga protektadong lugar dahil sa panghuhuli upang ikalakal. Noong 1992, sinuspende ang lahat ng mga pahintulot na iluwas sa mga ibon upang masawata ang pagbagsak ng dami nitó.

Agapornis fischeri

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Beolens, Bo; Watkins, Michael (2003). Whose Birds? Men and Women Commemorated in the Common Names of Birds (sa wikang Ingles). London: Christopher Helm. pp. 127–128. ISBN 978-0713666472.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Alderton, David (2003). The Ultimate Encyclopedia of Caged and Aviary Birds (sa wikang Ingles). London, England: Hermes House. p. 218. ISBN 1-84309-164-X.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Species factsheet: Agapornis fischeri". BirdLife International (2008). Inarkibo mula sa orihinal noong 4 Enero 2009. Nakuha noong 9 Hulyo 2008.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)