Pumunta sa nilalaman

Wikipedia:Pangkalahatang paalala

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya


HINDI GARANTISADONG TAMA AT TUMPAK ANG NILALAMAN NG WIKIPEDIA

Isang malaya at bukás na ensiklopedyang online ang Wikipedia, na sama-samang pinagtutulungan ng mga boluntaryo na may iisang layunin na makagawa ng pangkalahatang mapagkukunan ng kaalaman ng sangkatauhan. Dahil sa anyo nito, maaaring mabago ng sinuman ang nilalaman nito, basta nakakonekta siya sa internet. Dapat niyo pong malaman na wala sa mga nakikita niyo sa mga pahina nito ang narebyu ng mga eksperto ng mga paksang ibinabahagi dito upang mabigyan kayo ng kumpleto, tumpak, at maaasahang impormasyon.

Hindi ibig sabihin nito na wala kang makikitang tama at magagamit na impormasyon dito sa Wikipedia. Gayunpaman, hindi po ginagarantiya ng Wikipedia na tama at tumpak ang mga nakikita niyong impormasyon dito. Maaari kasing nabago kamakailan ang kahit anong partikular na artikulo rito, o di kaya'y binaboy ng sinuman, o binago ng sinuman na may opinyon na iba sa opinyon ng mga eksperto ukol sa naturang paksa sa kasalukuyang panahon. Hindi lang po Wikipedia ang may ganitong pagtatanggi; may ganito rin ang ibang mga ensiklopedya (halimbawa, Encyclopedia Britannica), diksiyonaryo (halimbawa, Oxford English Dictionary, Merriam-Webster), o mga pahayagan (halimbawa, The New York Times, The Guardian).

Walang pormal na pagsusuri ng nakakarami

[baguhin ang wikitext]

Ginagamit ng aming aktibong komunidad ng mga editor (makikita niyo rin ang salitang "tagagamit" o "patnugot" dito sa Wikipediang Tagalog) ang mga kagamitan tulad ng Natatangi:Mga huling binago at Natatangi:Mga bagong pahina para bantayan ang mga pumapasok na bago at binagong pahina. Gayunpaman, hindi pantay-pantay na nasuri ang bawat pahina dito; bagamat pwedeng itama ng mga mambabasa ang mga nakita nilang kamalian dito o di kaya'y magsagawa ng impormal na pagsusuri sa pahina, wala po silang responsibilidad na legal na gawin ito kaya naman wala rin pong kasiguraduhan na ang mga nababasa niyo ritong impormasyon ay tama o magagamit sa kahit anong sitwasyon. Kahit maging ang mga artikulo na sumailalim sa proseso ng pagsusuri dito sa Wikipedia o naging isang napiling artikulo dito ay maaari ding nabago kamakailan, bago niyo makita ito. Pakatandaan po lalo na dahil mas maliit ang komunidad ng mga editor ng Wikipediang Tagalog kesa sa Wikipediang Ingles, mas matindi ang mga kaso ng pambababoy o katulad na hindi nasuri ng mga aktibo rito, kahit maging ang mga napiling artikulo rito.

Wala po sa mga nag-ambag, sponsor, tagapangasiwa (admin), o sinumang konektado sa Wikipedia ang responsable sa kahit anong kaparaanan para sa kahit anong mga mali o mapanirang impormasyon na makikita dito o maging sa paggamit mo sa mga impormasyong nandito o naka-link sa mga pahina nito.

Hindi nakakontrata; limitadong lisensiya

[baguhin ang wikitext]

Siguraduhin na naiintindihan niyo na libre niyong makukuha ang impormasyong binibigay sa inyo dito, at walang kahit anong uri ng kasunduan o kontrata ang nagawa sa pagitan mo at sa mga may-ari o mga user ng site na ito, sa mga may-ari ng mga server na pinaglalagyan nito, sa sinumang nag-ambag sa Wikipedia, sa sinumang tagapangasiwa sa proyekto, sa mga sysop, o sa sinumang konektado sa kahit anong kaparaanan sa proyektong ito o sa mga kaugnay na proyekto nito na mapapailalim sa kahit anong mga panghahabol mo laban sa kanila nang direkta. Binibigyan ka ng limitadong lisensiya upang makopya mo ang kahit anong nasa site na ito; hindi ibig sabihin nito na may nagawa o nagsasabi na may pananagutang kontraktuwal o ekstrakontraktuwal ang Wikipedia o alinman sa mga ahente nito, miyembro, organizer, o iba pang mga user.

Wala pong kasunduan o pag-unawang ginawa sa pagitan mo at ng Wikipedia ukol sa paggamit mo o sa pagbago mo sa impormasyong nandito na lagpas sa saklaw ng lisensiyang walang hurisdiksyon (unported license) na Creative Commons Attribution-Sharealike 4.0 Unported License (CC-BY-SA) at GNU Free Documentation (GFDL); wala rin sa Wikipedia ang responsable kung sakaling may nagbago o nagtanggal sa kahit anong impormasyon na inilagay mo sa Wikipedia o sa mga kaugnay nitong proyekto.

Pagmamay-ari ng mga may-ari sa kanila ang anumang mga tatak (trademark), tatak ng serbisyo (service mark), kolektibong tatak (collective mark), karapatan sa disenyo, o mga katulad na karapatan na binanggit, ginamit, o sinipi sa mga artikulong nandito sa Wikipedia. Hindi porket ginamit dito sa Wikipedia ang mga ito ay maaari mo na rin itong gamitin sa mga layuning hindi pareho sa mga layuning impormatibo na unang inilahad ng mga orihinal na may-akda sa mga artikulong ito ng Wikipedia sa ilalim ng CC-BY-SA at GFDL. Maliban lamang kung tahasang binanggit, hindi ineendorso o nauugnay ang Wikipedia at mga site ng Wikimedia sa mga mayhawak ng mga karapatan sa mga ito, kaya naman, wala ring maibibigay na karapatan ang Wikipedia upang magamit mo ang mga protektadong materyales na ito. Nasa sa'yo kung gagamitin mo pa rin ang mga pagmamay-ari na ito.

Karapatan sa pagkatao

[baguhin ang wikitext]

Naglalaman ang Wikipedia ng mga materyales na maaaaring makatukoy ng isang buhay o kamamatay lang na tao. Maaaring may limitasyon ang pagpapakita sa mga larawan ng mga taong buhay o kamamatay lang sa ilang mga bansa dahil sa kanilang mga batas ukol sa karapatan sa pagkatao (personality rights), bukod sa estado ng karapatang-sipi ng mga larawan. Bago mo gamitin ang mga ito, siguraduhin niyo po na may karapatan po kayong gamitin ang mga ito alinsunod sa mga batas na may kaugnayan sa layunin ng paggamit mo sa mga ito. Ikaw at ikaw lamang ang tanging responsable sa pagsigurong wala kang nilalabag na karapatan sa pagkatao ng sinuman.

Hurisdiksyon at legalidad ng nilalaman

[baguhin ang wikitext]

Maaaring labag sa mga batas ng ilang bansa o hurisdiksiyon kung saan ka kasalukuyang nagbabasa ang mga nakalathalang impormasyon na nakalagay sa Wikipedia. Nakalagay sa mga server ng Estados Unidos ng Amerika ang database ng Wikipedia, na patuloy na pinangangalagaan at protektado sa ilalim ng mga lokal at pambansang batas nito. Maaaring hindi pinapayagan ng mga batas ng bansa o hurisdiksiyon mo ang ganitong klase ng pananalita o pamamahagi. Hindi po hinihimok ng Wikipedia na lumabag sa mga batas na ito, at hindi rin ito maaaring maging responsable para sa mga paglabag sa mga batas na ito, kung sakaling maisipan mong mag-link sa domain na ito, o gamitin, kopyahin, o ilimbag muli ang mga impormasyon na nakalagay rito.

Hindi ito payo ng propesyonal

[baguhin ang wikitext]

Sakaling kailanganin mo ng partikular na payo (halimbawa, para sa kadahilanang medikal, legal, pinansiyal, o pamamahala sa panganib), mangyari pong maghanap po kayo ng angkop na propesyonal na lisensiyado o maalam sa larangang iyon.