Pumunta sa nilalaman

Ukiyo-e

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Pintura ng isang Haponesang nakasuot ng magagara sa estilo noong ika-16 na siglo.Imprentang de-kolor ng abalang teatro
Imprentang de-kolor ng Hapones na aktor na nakameykap nang makulay na may matapang na ekspresyon habang nakaunat ang kanyang mga daliri, nakaharap sa kanan. Imprentang de-kolor ng klos-ap ng medyebal na Haponesang nakameykap nang todo na sumisilip sa may nanganganinag na suklay.
Imprentang de-kolor ng tanawin ng grupo ng tatlong naglalakad sa kaliwa, mga kagubatan at isang mataas na bundok sa likuran. Imprentang de-kolor ng ibong lumilipad malapit sa mga bulaklak
Isang set ng tatlong imprentang de-kolor ng isang samurai na pinagbabantaan ng isang napakalaking kalansay
Mula sa kaliwang itaas:
  • Mikaeri Bijin-zu ("Magandang Lumilingon"), Moronobu, pahuli ng ika-17 siglo
  • Shibai Uki-e, Masanobu, c. 1741–1744
  • Otani Oniji III, Sharaku, 1794
  • Kushi ("Suklay"), Utamaro, 1798
  • Hara, ika-13 estasyon ng Tōkaidō Gojūsan-tsugi ("Limampu't Tatlong Estasyon ng Tōkaidō"), Hiroshige, 1833–34
  • Hototogisu Satsuki ("Kakok at Asalea"), Hokusai, 1828
  • Takiyasha ang Bruha at ang Multong Kalansay, Kuniyoshi, c. 1844

Ang ukiyo-e[a] ay isang dyanra ng sining Hapones na lumago mula ika-17 hanggang ika-19 na siglo. Nakagawa ang alagad nito ng mga impresyon mula sa kahoy at mga pintura ng mga paksa tulad ng mga babaeng dilag; mga aktor sa kabuki at mga mambubuno sa sumo; mga eksena mula sa kasaysayan at kuwentong-bayan; mga eksena sa paglalakbay at mga tanawin; sanghalamanan at sanghayupan; at erotika.[1] Isinasalin ang ukiyo-e (浮世絵) bilang '[mga] larawan ng mundong lumulutang'.[2]

Noong 1603, naging luklukan ang lungsod ng Edo (Tokyo) ng namahalang shogunatong Tokugawa. Pinakanakinabang ang klaseng chōnin (mangangalakal, artesano at manggagawa), na nasa pinakamababang antas ng lipunan, sa mabilisang paglago ng ekonomiya ng lungsod, at nagsimulang magpakasawa at tumangkilik sa aliwan ng teatrong kabuki, geisha, at mga kortesana ng mga distrito ng aliwan; tumukoy ang salitang ukiyo ('mundong lumulutang') sa ganitong hedonistikong pamumuhay. Pumatok ang mga imprenta o pinturang ukiyo-e sa klaseng chōnin, na yumaman nang sapat na kayang palamutian ang kani-kanilang mga bahay ng mga dekorasyong ito.

Lumitaw ang mga pinakaunang ukiyo-e noong d. 1670, sa mga pintura at monokromong imprenta ng mga magagandang babae. Unti-unting sumunod ang mga imprentang de-kolor, at noong una, ginamit lang ang mga ito sa mga espesyal na atas. Noong d. 1740, gumamit ang mga alagad kagaya ni Okumura Masanobu ng maraming blokeng kahoy sa pag-imprenta ng mga iba't ibang kulay. Noong d. 1760, sa pagtagumpay ng mga "imprentang brokado" ni Suzuki Harunobu, naging karaniwan ang makulay na produksiyon, kung saan ginagamit ang sampu o higit pang mga bloke sa paggawa ng bawat imprenta. Nagdalubhasa ang ilang alagad ng ukiyo-e sa paggawa ng pintura, ngunit imprenta ang karamihan ng gawa. Bihirang nag-ukit ang mga alagad mismo ng kanilang mga blokeng kahoy; sa halip, nakahati ang produksiyon sa alagad, na nagdisenyo ng mga imprenta, sa mang-uukit, na nag-ukit ng mga blokeng kahoy, sa manlilimbag, na nagtinta at naglapag ng mga blokeng kahoy sa yaring-kamay na papel, at sa tagapaglathala, na tumustos, nagtaguyod, at namahagi ng mga gawa. Dahil de-kamay ang pag-imprenta, nagawa ng mga manlilimbag ang mga epekto na hindi praktikal sa paggamit ng makina, tulad ng paghahalo o gradasyon ng kulay sa bloke ng pag-imprenta.

Pinahahalagahan ng mga espesyalista ang mga larawan ng mga magaganda at mga aktor ng mga maestro kagaya nina Torii Kiyonaga, Utamaro, at Sharaku noong pahuli ng ika-18 siglo. Ipinagpatuloy ng mga maestro ng ika-19 na siglo ang tradisyon ng ukiyo-e, sa paglikha ng Ang Dakilang Alon sa Labas ng Kanagawa ni alagad Hokusai, isa sa mga pinakakilalang gawa sa sining ng Hapon, at Limampu't Estasyon ng Tōkaidō ni Hiroshige. Kasunod ng pagkamatay ng dalawang maestrong ito, at kontra sa modernisasyong teknolohikal at panlipunan na dinala ng Pagpapanumbalik ng Meiji noong 1868, humina nang todo ang produksiyon ng ukiyo-e. Subalit muling nabuhay ang imprentang gawa sa Hapon noong ika-20 siglo: sinamantala ng shin-hanga ('mga bagong imprenta') ang Kanluraning intres sa mga imprenta ng mga tradisyonal na tanawing Hapones, at itinaguyod ng kilusang sōsaku-hanga ('imprentang mapanlikha') ang mga indibidwalistang gawa na idinisenyo, inukit, at inimprenta ng iisang alagad. Mula noong pahuli ng ika-20 siglo, nanatiling mapagsarili ang pag-iimprenta, at kadalasang ginagamit ang mga pamamaraan na inangkat mula sa Kanluran.

Naging sentro ang ukiyo-e sa pagbubuo ng pananaw ng Kanluran sa sining ng Hapon noong pahuli ng ika-19 na siglo, lalo na ang mga tanawin ni Hokusai at Hiroshige. Magmula noong d. 1870, nauso ang Haponismo, at nagkaroon ito ng malaking impluwensiya sa mga unang Impresyonista tulad nina Edgar Degas, Édouard Manet at Claude Monet, at naimpluwensiyahan din ang mga Post-Impresyonista tulad ni Vincent van Gogh, at mga alagad ng Art Nouveau tulad ni Henri de Toulouse-Lautrec.

Colour print of a Japanese woman's face. The colours are bold and flat, and the contours are outlined in black.
Babaeng Bumibisita sa Dambana sa Gabi, Harunobu, ika-17 siglo. Nagbibigay-hugis ang mga matapang at patag na linya, at nilalaman ng mga patag na kulay.

Nagdala ang mga naunang alagad ng ukiyo-e ng sopistikadong kaalaman at pagsasanay sa mga prinsipyo ng komposisyon ng klasikal na pagpipinta ng mga Tsino; unti-unting inalis nitong mga alagad ang lantad na impluwensiyang Tsino upang bumuo ng katutubong estilong Hapon. Tinawag na "Primitibo" ang mga naunang alagad ng ukiyo-e sa kahulugan na naging bagong hamon ang sining kung saan inangkop nila ang mga dantaong-gulang na pamamaraan—hindi itinuturing na "primitibo" ang disenyo ng kanilang mga larawan.[3] Maraming mga alagad ng ukiyo-e ang natuto mula sa mga guro ng Kanō at iba pang mga paaralang pampintor.[4]

  1. Lumalabas ang makalumang transliterasyong "ukiyo-ye" sa mga mas lumang teksto.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bibliograpiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Diyaryong akademiko

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Hickman, Money L. (1978). "Views of the Floating World" [Mga Sulyap ng Mundong Lumulutang]. MFA Bulletin (sa wikang Ingles). Museum of Fine Arts, Boston. 76: 4–33. JSTOR 4171617.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)