Pumunta sa nilalaman

Lipunan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Sekularisasyon)
Iba't-ibang anyo ng lipunan ng mga tao.

Lipúnan o sósyedád ang pangkat ng mga indibidwal na may kaugnayan sa isa't-isa, madalas base sa kultura, kaugalian, at saloobin, at naninirahan sa isang tiyak na teritoryong pinamumunuan ng isang pinuno o grupo ng mga pinuno. Sa mga tao, isa itong komplikadong istraktura na kooperatibo sa pamamagitan ng paghahati sa trabaho base sa mga inaasahang gampanin ng bawat isa sa naturang pangkat. Nakaayon ang mga gampanin na ito sa mga konsepto ng lipunan na kinokonsiderang tama o mali, kilala rin sa tawag na mga norm. Dahil sa kolaborasyong kaakibat nito, nagagawa ng mga lipunan ang mga bagay na hindi magagawa nang mag-isa.

Magkakaiba-iba ang mga lipunan base sa kanilang natamong antas ng teknolohiya at ekonomiya. Madalas, mas dominante at hiyarkikal ang mga lipunan may sobra-sobrang pagkain. Magkakaiba rin ang anyo ng pamamahala sa mga lipunan, gayundin sa mga pagpapamilya at gampanin ng kasarian. Nakaangkla ang kaugalian ng tao sa lipunan; bagamat tao ang humuhulma sa mga lipunan, hinuhulma ng lipunan ang ugali ng mga tao.

Isang pangngalang kolektibo ang lipunan, na may literal na kahulugan na "pagtitipon" o "sambayanan".[1] Makikita ito sa salitang-ugat nito na lipon, na tumutukoy naman sa isang koleksyon o grupo, hindi lamang ng tao.[2][3] Isa rin itong pang-uri, na may kahulugan na "sama-sama".[1] Kaugnay sa salitang ito ang pandiwang likom, gayundin ang pangngalang lupon, na tumutukoy naman sa isang grupo ng mga taong namamahala ukol sa isang bagay kagaya ng pagsesensor ng pelikula,[4][5] at kalipunan, na may kahulugan naman na "antolohiya" o "pulutong".[6]

Samantala, nagmula naman sa wikang Espanyol na sociedad ang salitang sosyedad.[7] Bagamat madalang gamitin kumpara sa lipunan, makikita pa rin ito sa ilang mga salita sa wikang Tagalog tulad ng alta sosyedad, isang lumang tawag sa mataas na lipunan.[8] Nagmula ito sa wikang Pranses na societe ("kumpanya"), na nagmula naman sa wikang Latin societas ("alyansa", "kapatiran") mula sa pangngalang socius ("kaibigan").[9]

Multiple black ants surrounding and crawling on a dead mantis
Tulad ng mga tao, mga eusosyal na hayop ang mga langgam, na nakakagawa ng mga gawain na imposible nang mag-isa, kagaya ng pagbubuhat ng mga pagkain na mabibigat para sa kanilang timbang.

Likas sa mga tao, gayundin sa mga kamag-anak nitong mga bonobo at chimpanzee, ang pakikisalamuha sa iba.[10] Ito ang pinaniniwalaang nagdulot upang umusbong ang mga lipunan. Mataas ang antas ng kooperasyon ng mga tao, na iba sa mga grupo ng mga kamag-anak nito, tulad halimbawa ng pagiging magulang ng lalaki, ang paggamit ng wika, ang paghahati sa trabaho, at ang pagsasagawa ng mga "pugad" katulad ng mga bahay, bayan, o lungsod.[10][11][12]

Inihahanay ng ilang mga biologo tulad ni E.O. Wilson bilang mga eusosyal na hayop, ang pinakamataas na antas ng sosyalidad o pakikisalamuha sa mga hayop, kahanay ng mga langgam, bagamat hindi lahat ay sumasang-ayon sa pananaw na ito.[12] Ipinagpapalagay na natural na umusbong ang pamumuhay sa grupo sa mga tao dahil sa pagpili sa grupo na hatid ng mga pisikal na kapaligiran na maaaring mahirap tirhan.[13]

Sa sosyolohiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa Kanluraning sosyolohiya, may tatlong pangunahing konsepto sa lipunan: punsiyonalismo, teorya ng tunggalian, at simbolikong interaksyonalismo.[14]

Ayon sa punsiyonalismo, sama-samang nagtatrabaho ang bawat indibidwal sa isang lipunan upang umusbong, kilala rin sa tawag na kolektibong kamalayan.[15] Naniniwala ang mga sosyologong tulad ni Auguste Comte at Émile Durkheim na nasa hiwalay na antas ng realidad ang lipunan mula sa biolohiya o mga inorganikong bagay. Dahil dito, maipapaliwanag ang mga penomenang panlipunan bilang ang pansamantalang pagdaan ng mga indibidwal sa antas na ito bilang resulta ng kani-kanilang pagganap sa mga tungkulin nila.[14]

Kabaligtaran naman ang pananaw ng teorya ng tunggalian. Ayon dito, gumagana ang lipunan dahil sa tunggalian ng mga uring panlipunan. Isa ito sa mga pundasyon ng pananaw ni Karl Marx, na nakaisip sa ideya ng lipunan bilang isang ekonomikong base na may superestruktura ng pamahalaan, relihiyon, pamilya, at kultura. Ayon kay Marx, nakadepende sa base ang magiging superestruktura, at makikita sa kasaysayan ang pagbabago ng lipunan dahil sa tunggalian ng mga proletaryo at mga burgis na kumokontrol sa paraan ng produksiyon.[16]

Samantala, nakapokus ang teorya ng simbolikong interaksyonalismo sa mga indibidwal at ang relasyon nila sa lipunan. Tinitingnan nito ang paggamit ng mga tao ng wika upang makagawa ng mga simbolo at kahulugan,[15] na siyang ginagamit bilang sanggunian sa kung papaano naisasagawa ang interkasyon sa pagitan ng mga indibidwal upang makagawa ng mga simbolikong mundo at kung paano naimpluwensyahan ng mga mundong ito ang pag-uugali ng mga tao.[17]

Pagsapit ng ika-20 siglo, sinimulang tingnan ng mga sosyologo ang lipunan bilang isang ideyang ginawa.[18] Ayon kay Peter L. Berger, isang "dialektika" ang lipunan: tao ang gumawa sa mga lipunan, pero ito rin ang humuhulma sa kanila.[16]

Ibang pananaw

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Sina Jose Rizal at Ibn-Khaldun, mga akademikong nagbigay ng kanilang teorya sa lipunan.

Itinuturing na maka-Kanluran ng ilang mga akademiko ang pagtingin sa lipunan sa tatlong pananaw. Ayon sa sosyologong si Syed Farid al-Attas ng Malasya, partikular na interesado ang mga Kanluraning akademiko sa ideya ng modernidad kaya limitado ang kanilang pananaw. Nagbigay siya ng mga halimbawa ng mga akademikong hindi Kanluranin, kagaya nina Ibn Khaldun at Jose Rizal.[19] Si Ibn-Khaldun ay isang Arabong nabuhay noong ika-14 na siglo, na nagsabi na ang lipunan at ang sansinukob ay may "makabuluhang kaugnayan", kung saan may mga nakatagong sanhi sa mga pangyayari. Tiningnan niya ang mga panlipunang estraktura bilang mga bagay na may dalawang anyo: nomadiko at sedentaryo. Ayon sa kanya, mataas ang pagsasama ng mga taong nomadiko dahil sa kanilang kultura at pangangailangan ng depensa. Ang pamumuhay naman na sedentaryo, ayon kay Ibn-Khaldun, ay sekular, maluho, at mapag-isa.[20] Samantala, si Jose Rizal naman ay isang nasyonalistang Pilipino na nabuhay sa dulo ng panahon ng mga Espanyol sa Pilipinas. Bukod sa pagiging manunulat at siyentipiko, gumawa rin siya ng teorya ukol sa mga lipunang kolonyal. Ayon sa kanya, ang pagiging tamad, na ginagamit na dahilan ng mga Espanyol sa kanilang pananakop, ay dala mismo ng kolonyalismo. Kinumpara niya ang panahon bago ang kolonyalismo sa Pilipinas, kung saan mayabong ang ekonomiya at kalakalan, sa panahon ng kolonyalismo kung saan ang pagbagsak ng ekonomiya, pananamantala, at mga polisiyang nagpapahina sa pagsasaka ang siyang mga dahilan sa pagbaba ng interes sa pagtatrabaho.[21]

Madalas na ginugrupo ng mga sosyologo ang mga lipunan batay sa kanilang antas ng teknolohiya: preindustriyal, industriyal, at pos-industriyal.[22] Gayunpaman, walang tiyak na paghahati sa bawat isa. Isang halimbawa ng minungkahing paggugrupo ay mula sa sosyologong si Gerhard Lenski, na naghahati sa mga lipunan sa limang grupo: mangangaso, hortikultural, agrikultural, industriyal, at mga lipunang nakatuon sa isang gawain (kagaya ng pangingisda o pagpapastol).[23]

Sa paglipas ng panahon, naging mas komplikado ang mga lipunan sa organisasyon at kontrol nito. May epekto ang ebolusyong kultural na ito sa mga pattern ng pamayanan. Minsan, nagtatabi ng mga pagkain ang mga mangangaso na humantong sa pagiging isang nayong agraryo nila. Lumaki rin ang mga malilit na nayon upang maging mga malalaking bayan at lungsod. Kalaunan, naging mga lungsod-estado at bansa ang mga ito. Gayunpaman, hindi masasabing ganito ang kahihinatnan o magiging proseso para sa lahat ng mga lipunan.[24]

Preindustriyal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa isang lipunang preindustriyal, ang produksiyon ng pagkain ang pinakamahalagang trabaho. Nahahati ang mga lipunang ito depende sa kanilang antas ng teknolohiya at ang paraan ng paggawa nila ng pagkain: pangangaso, pagpapastol, hortikultura, at agrikultura.[23]

refer to caption
Mga San ng Botswana na nagsisindi ng apoy nang mano-mano.

Pangongolekta ng pagkain ang palaging ginawa ng mga mangangaso. Nangangaso rin sila ng mga makakaing hayop sa kalikasan.[25] Dahil sa sitwasyong ito, hindi nakakagawa ng mga nayon ang mga mangangaso, at madalas na maliit lamang ang kanilang populasyon kagaya ng mga tribo o grupo, na di tataas sa 50 katao.[26][27] Madalas rin silang mga egalitaryo at nagsasagawa sila ng mga desisyon batay sa konsenso. Limitado lang ang politika sa mga lipunang ito—walang mga opisina ng pamahalaan kung saan madalas na impluwensiya ang batayan ng pagpili sa pinuno. Magkakadugo rin madalas ang mga ito.[28][29]

Inilarawan ng antropologong si Marshall Sahlins ang mga mangangaso bilang ang "orihinal na maykayang lipunan" dahil sa kanilang mahaba-habang oras ng pagliliwaliw. Ayon kay Sahlins, nagtatrabaho ang mga matatanda nang tatlo hanggang limang oras kada araw.[30] Hindi pareho ng pananaw ang ilang mga mananaliksik, na nagtuturo sa mataas na antas ng pagkamatay nang maaga at ang walang-katapusang pakikidigma sa mga lipunang mangangaso.[31] Samantala, ayon naman sa mga sumusuporta sa pananaw ni Sahlins, hinahamon nito ang relasyon diumano ng pag-abante ng teknolohiya sa progreso ng sangkatauhan dahil sa relatibong kaayusan sa pamumuhay ng mga tao na nasa mga ganitong lipunan.[32]

refer to caption
Mga lalaking Maasai na nagsasagawa ng adumu, isang tradisyonal na sayaw ng pagtalon.

Imbes na maghanap ng pagkain araw-araw, umaasa ang mga tao na nasa isang lipunang pastoral sa mga inaalagaang hayop upang may makain. Tipikal na mga nomadiko ang mga namamastol, palaging lumilipat ng tirahan depende sa damuhan.[33] Katulad din ng mga mangangaso ang laki ng isang tipikal na pamayanan ng mga namamastol, ngunit di tulad nila, madalas na maraming pamayanan ang mga namamastol, na aabot sa isang libong tao sa kabuuan. Dahil ito sa pagtira ng mga namamastol sa mga malalawak na lugar kung saan madaling magpalipat-lipat, na nagbibigay-daan sa pag-usbong ng politika.[34] Madalas din na sobra-sobra ang pagkain sa mga ganitong lipunan, at kadalasan din ay may paghahati ng trabaho at mataas na antas ng di-pagkakapantay-pantay.[34][22]

Hortikultural

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa hortikultura, tinatanim ang mga prutas at gulay sa mga hardin ang pinanggagalingan ng pagkain. Halos katulad ito sa mga lipunang pastoral, sa antas ng teknolohiya at pagkakomplikado.[35] Kasabay rin ito umusbong sa mga lipunang pastoral noong 10,000 taon ang nakararaan, matapos ang pag-abante ng teknolohiya sa Rebolusyong Agrikultural kung saan naging posible ang pagtatanim at pangangalaga sa mga hayop.[35] Gumagamit ng tauhan at simpleng mga kagamitan ang hortikultura para matamnan ang lupain depende sa panahon. Gagamit ng panibagong lupain sila matapos magamit ang isa, na hahayaang bumalik sa natural nitong itsura. Sa ganitong sistema ng pagpapalit-palit naging posible ang pagtira ng mga lipunang hortikultural sa iisang lugar sa mahabang panahon, na kalauna'y humantong sa pagtatag sa mga nayon.[36]

Tulad ng mga lipunang pastoral, kadalasan ay sobra-sobra ang pagkain na nagagawa ng mga ganitong lipunan. Dahil dito, naging posible ang paghahati ng trabaho. Kabilang sa mga trabahong umusbong ang mga manggagawa, babaylan, at mangangalakal.[36] Gayunpaman, ang pagkakaroon ng kakapusan sa yaman na madedepensahan ay humahantong din sa di-pagkakapantay-pantay sa mga sistemang politikal ng ganitong klase ng lipunan.[37]

Isang magsasaka na nag-aararo sa bukid gamit ang isang kalabaw.

Pangunahing ginagamit ng mga lipunang agrikultural ang teknolohiyang kaakibat ng agrikultura. Bagamat parehong nagtatanim, nagkakaiba ang lipunang agrikultural sa hortikultura sa paggamit nito ng araro.[38] Dahil sa mas maraming pagkaing nagagawa sa mga ganitong lipunan, mas malalaki rin ang mga pamayanan nito kumpara sa iba. Umusbong ang komersyo at kalakalan dahil sa sobrang pagkain, na naghatid naman upang umusbong din kalaunan ang mga trabahong walang kinalaman sa paggawa ng pagkain, tulad ng pagiging pari, artisano, o mangangalakal.[39]

Kilala ang mga lipunang agrikultural sa hirarkiya ng uri ng mga tao. Dahil nakadepende sa lawak ng lupain ang yaman ng isang tao, nadebelop ang hirarkiyang ito base sa pagmamay-ari ng lupa at hindi base sa trabaho. Dahil dito, madalas nahahati sa dalawang grupo ang mga lipunang ganito: ang elite at ang madla.[40] Madalas na matindi rin ang balangkas ng hirarkiya, kagaya halimbawa ng sistemang caste ng Timog Asya. Pinaniniwalaan ng mga iskolar na ito ang dahilan kung bakit may matinding pokus sa personal na kalayaan ang modernong Kanluraning Mundo bunga ng mahaba nitong kasaysayan sa ganitong sistema ng lipunan.[41]

An industrial train
Isa sa mga resulta ng Rebolusyong Industriyal ay ang pagbilis ng transportasyon, simula sa mga tren katulad ng nasa larawan.

Umusbong ang mga lipunang industriyal bilang resulta ng Rebolusyong Industriyal sa Europa noong ika-19 na siglo. Umaasa sila sa paggamit ng mga makina na pinapagana gamit ng isang panlabas na lakas tulad ng singaw o kuryente, upang makagawa sila ng mga produkto nang maramihan.[42][43] Di tulad ng mga tradisyonal na anyo ng lipunan, na gumagawa ng mga produktong hilaw, gumagawa ang mga nasa lipunang industriyal ng mga produktong tapos na mula sa mga hilaw na produktong ito.[44] Sa kasalukuyang panahon, nagsimulang gumamit ang mga lipunang ito ng mga mas malilinis na teknolohiya bilang tugon sa pag-init ng mundo, bagamat marami pa rin ang gumagamit ng mga tradisyonal na lakas tulad ng uling at langis.[45][46]

Pos-industriyal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Matatawag na mga lipunang pos-industriyal ang mga lipunang dinodomina ng impormasyon at serbisyo bilang pangunahing trabaho imbes ng sa produksiyon ng pagkain.[47] Sa modernong panahon, nagiging mas mahalaga ang impormasyon at serbisyo kesa sa pagmamanupaktura sa mga nakaaabanteng lipunang industriyal. Nakatuon ang ilan sa mga serbisyong isinasagawa sa mga ganitong lipunan sa mga larangang kagaya ng edukasyon, pinansiyal, at kalusugan.[48]

Many people gathered in a large meeting room
Pandaigdigang Pagpupulong sa Lipunang Maka-impormasyon, sa Geneva, Suwisa.

Lipunang maka-impormasyon ang tawag sa mga lipunan kung saan mahalagan gawain ang paggamit, paggawa, pamamahagi, pagmanipula, at pagsama ng impormasyon.[49] Ayon sa mga naniniwalang isang lipunang maka-impormasyon ang kasalukuyang pandaigdigang lipunan, malaki ang epekto ng mga teknolohiyang pang-impormasyon sa edukasyon, ekonomiya, kalusugan, pamahalaan digmaan, at demokrasya.[50] Bagamat unang lumitaw ang ideya ng ganitong lipunan noong dekada 1930s, sa kasalukuyan, halos tumutukoy palagi ito sa epekto ng mga teknolohiyang pang-impormasyon sa lipunan at kultura.[51]

Three people working on computers in a control room
Silid-kontrol ng Cyworld sa Seoul, Timog Korea

Lipunang makakaalaman ang tawag sa mga lipunan kung saan itinuturing na mahalaga ang pagpapalaya sa kaalaman para sa lahat ng miyembro ng lipunan upang bumuti ang kondisyon ng tao.[52] Nagmula ito sa lipunang maka-impormasyon, ngunit di tulad nito, aktibong ginagawa ang pagpapakalat ng kaalaman, imbes na gawin lang ito.[53]

Norm ang tawag sa mga napagkasunduang pamantayan ng katanggap-tanggap na pag-uugali sa loob ng isang grupo.[54] Maaari itong impormal o pormal sa pamamagitan ng pagsasabatas sa mga ito.[55] Samantala, gampanin naman ang tawag sa mga inaasahang dapat gawin ng isang indibidwal base sa kanyang estado sa lipunan.[56] Ayon sa punsiyonalismo, nagagawa ang mga lipunan dahil sa pagsunod ng mga indibidwal sa mga gampanin nila.[14] Ayon naman sa simbolikong interaksyonalismo, gumagamit naman ng mga simbolo ang bawat indibidwal upang maipakita ang kanilang gampanin. Ginamit ni Erving Goffman ang metapora ng isang teatro upang idebelop ang ideya ng dramaturhiya, kung saan nagsisilbing mga iskrip ang mga gampanin para sa kani-kanilang interaksyon sa isa't isa.[57]

Kasarian at pamilya

[baguhin | baguhin ang wikitext]
refer to caption
Isang pamilya sa Ehipto na nakasakay sa isang karwahe. Mahalaga sa maraming lipunan ang konsepto ng pamilya.

Kultura ang nagmamarka sa paghahati sa mga tao sa gampanin na itinuturing na panlalaki o pambabae. Kabilang sa mga ito ang pananamit, pag-uugali, karapatan, pribilehiyo, estado, at kapangyarihan. Ipinagpapalagay na ang mga gampaning pangkasarian ay dulot ng natural na pagkakaiba sa kasarian, na humantong sa ideya ng babae sa bahay.[58] Sa kasaysayan, magkakaiba ang mga gampaning ito, at madalas rin itong hinahamon sa maraming lipunan.[59]

Nag-oorganisa ang lahat ng mga lipunan ng tao base sa kanilang relasyon sa magulang, anak, at kamag-anak (kadugo), gayundin sa pamamagitan ng kasal (manugang). Bukod dito, may pangatlong uri din ng relasyon na madalas nilalapat sa mga ninong at ninang o mga ampon (piksyonal).[60] Kinokonsiderang mahalaga ang relasyong ito sa maraming lipunan, at ginagamit bilang basehan sa pamana. Lahat din ng mga lipunan ay may mga pagbabawal sa insesto, at may ilang lipunan na may mga tradisyon ng preperensiya sa kasal sa mga kamag-anak nila.[61]

Pangkat-etniko ang kategoryang panlipunan na naggugrupo sa mga indibidwal base sa kanilang mga magkakaparehong katangian na naghihiwalay sa kanila sa ibang mga grupo. Tradisyon, ninuno, wika, o kasaysayan ang ilan sa mga katangiang maaaring maging basehan.[62] Walang napagkakasunduang kahulugan ng isang pangkat-etniko,[63] at madalas din itong magbago depende sa tao.[64] Hiwalay ang ideya ng etnisidad sa ideya ng lahi, na nakadepende naman sa pisikal na katangian, bagamat parehas lang silang gawa-gawa ng lipunan.[65] Komplikado ang paggugrupo sa mga tao batay sa etnisidad, dahil maaaring malawak ang mga grupo na meron mga grupo sa ilalim nito.[66] Mahalaga ang gampanin ng etnisidad sa pag-angat sa ideya ng estadong bansa bilang ang pangunahing anyo ng organisasyong politikal simula noong ika-19 na siglo at magpahanggang ngayon.[67]

Pamahalaan at politika

[baguhin | baguhin ang wikitext]
refer to caption
Ang punong-tanggapan ng Mga Nagkakaisang Bansa sa Lungsod ng New York, Estados Unidos.

Gumagawa ng mga batas at patakaran ang mga pamahalaan na nakakaapekto sa mga taong nasasakupan nila. Sa kasaysayan, maraming anyo ng pamamahala ang lumitaw, na may magkakaibang antas ng pagbibigay ng kapangyarihan, at kontrol sa kanilang nasasakupan.[68] Noong sinaunang panahon, nakadepende ang antas ng kapangyarihan sa magagamit na tubig, matabang lupa, at klimang maaya sa iba't ibang lokasyon.[69] Kasabay ng paglaki ng populasyon, naging komplikado ang interaksyon sa pagitan ng mga grupo, na humantong kalaunan sa pagdebelop ng pamamahala sa pagitan at sa loob ng mga pamayanan.[70]

Noong 2022, ayon sa The Economist, 43% ng mga pamahalaan ng mga bansa ay demokrasya, 35% ay otokrasya, at 22% ay pareho.[71] Maraming bansa din ang sama-samang nagtatag ng mga pandaigdigang organisasyon at alyansa, ang pinakamalaki ay ang Mga Nagkakaisang Bansa na may 193 miyembrong bansa.[72]

Kalakalan at ekonomiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]
A map depicting the Silk Road and relevant trade routes
Ang Daang Seda at ibang mga karaniwang daan ng karaban noong unang siglo KP.

Matagal nang nakikipagkalakalan ang mga lipunan sa isa't isa, at ito ang isa sa mga tinitingnan na katangian na naghihiwalay sa mga tao sa ibang mga hayop.[73] Itinuturing ito bilang isang mahalagang katangian ng mga Homo sapiens na humihiwalay sa kanila sa ibang mga hominid, na nagpahantong sa pagdami ng pagkain kung saan mahirap ang pangangaso. Walang ganitong katumbas sa mga Neandertal, na ngayo'y wala na.[73] Madalas nakikipagkalakalan ang mga unang tao ng mga bagay upang makagawa ng mga kagamitan, tulad ng obsidiyano.[74] Noong Gitnang Panahon, pinakamahalagang ruta ng kalakalan ang mga ruta na nagbibigay ng pagkain, tulad ng palitan ng pampalasa at ang Daang Seda.[75]

Posibleng nakabase ang mga sinaunang anyo ng ekonomiya ng mga tao sa pagreregalo kesa sa palitan ng paninda.[76] Produkto ang mga unang anyo ng pera, tulad ng mga hayop.[77] Kalaunan, naging sistematiko ang mga ito na iniisyu ng mga pamahalaan sa pamamagitan ng mga barya, salaping papel, at sa modernong panahon, perang digital.[78]

Ang Labanan sa Kursk (1943), sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Europa.

Sentro ng mahabang debate ang hayagang pagpatay ng mga tao sa kapwa nila tao nang maramihan tuwing digmaan. Ayon sa ilang mga iskolar, natural na bahagi ng pagiging tao ang karahasan, at ang digmaan ay nabuo bilang paraan upang mawala ang mga kakumpetensiya. Halos katulad din sa ibang mga hominid ang antas ng pagpatay ng mga tao sa kapwa tao, bagamat mas madalang itong gawin sa mga bata kumpara sa ibang mga hominid.[79]

Sa kabilang banda, ipinagpapalagay din ng ilang mga iskolar na bago lang (relatibo sa haba ng kasaysayan) ang konsepto ng digmaan na nabuo dahil sa nagbabagong pangangailangan. Bagamat hindi napagkakasunduan, tinatayang nabuo lang sa mga tao ang naturang konsepto noong mga 10,000 taon na ang nakaraan o mas bago, depende sa rehiyon.[80] Ayon sa mga pag-aaral, tinatayang nasa 2% ng mga namatay na tao ay dulot ng pagpatay (homicide), na halos kapareho lang din sa ibang mga lipunan ng hayop na naggugrupo.[81] Gayunpaman, nakadepende pa rin ang porsyentong ito sa kultura at norm ng lipunan. Sa mga lipunang may matinding pagtingin sa legal na proseso, nasa 0.01% lang ang antas na ito.[82]

  1. 1.0 1.1 "KWF Diksiyonaryong Filipino". kwfdiksiyonaryo.ph. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.
  2. "lipunan - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.
  3. "lipon - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.
  4. "likom - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.
  5. "lupon - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.
  6. "kalipunan - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.
  7. "sosyedad - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.
  8. "alta sosyedad - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.
  9. "society". Merriam-Webster (sa wikang Ingles). 20 Setyembre 2024. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.
  10. 10.0 10.1 Fukuyama, Francis (2011). "The State of Nature" [Ang Estado ng Kalikasan]. The Origins of Political Order: From Prehuman Times to the French Revolution [Ang Pinagmulan ng Kaayusang Pampolitika: Mula Sinaunang Panahon hanggang sa Himagsikang Pranses] (sa wikang Ingles) (ika-1 (na) edisyon). New York: Farrar, Straus and Giroux. pp. 26–48. ISBN 978-0-374-22734-0. LCCN 2010038534. OCLC 650212556.
  11. Goody, Jack (2005). "The Labyrinth of Kinship" [Ang Labirinto ng Angkan]. New Left Review. II (sa wikang Ingles) (36). London: 127–139. ISSN 0028-6060. LCCN 63028333. OCLC 1605213. Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Nobyembre 2018.
  12. 12.0 12.1 Angier, Natalie (Abril 2012). "Edward O. Wilson's New Take on Human Nature" [Bagong Pagtingin ni Edward O. Wilson sa Kalikasan ng Tao]. Smithsonian Magazine (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 21 Disyembre 2023.
  13. Wilson, David Sloan (2007). Evolution for Everyone: How Darwin's Theory Can Change the Way We Think About Our Lives [Ebolusyon para sa Lahat: Paano Binago ng Teorya ni Darwin ang Ating Pagtingin sa mga Buhay Natin] (sa wikang Ingles). New York: Delacorte. ISBN 978-0-385-34092-2. LCCN 2006023685. OCLC 70775599.
  14. 14.0 14.1 14.2 Macionis, John J.; Gerber, Linda Marie (2011). Sociology [Sosyolohiya] (sa wikang Ingles) (ika-7 (na) edisyon). Toronto: Pearson Prentice Hall. ISBN 978-0-13-700161-3. OCLC 434559397.
  15. 15.0 15.1 Hall, Peter M. (2007). "Symbolic Interaction" [Simbolikong Interaksyon]. Sa Ritzer, George (pat.). Blackwell Encyclopedia of Sociology (sa wikang Ingles). Bol. 10. doi:10.1002/9781405165518.wbeoss310. ISBN 978-1-4051-2433-1. LCCN 2006004167. OCLC 63692691.
  16. 16.0 16.1 Berger, Peter L. (1967). The Sacred Canopy: Elements of a Sociological Theory of Religion [Ang Banal na Tirahan: Mga Elemento ng Teoryang Sosyolohikal ng Relihiyon] (sa wikang Ingles). New York: Doubleday & Company, Inc. p. 3. ISBN 978-0-385-07305-9. LCCN 90034844. OCLC 22736039.
  17. West, Richard L.; Turner, Lynn H. (2018). Introducing Communication Theory: Analysis and Application [Panimula sa Teorya ng Komunikasyon: Pagsusuri at Paglapat] (sa wikang Ingles) (ika-6 (na) edisyon). McGraw-Hill Education. ISBN 978-1-259-87032-3. LCCN 2016059715. OCLC 967775008.
  18. Conerly, Holmes & Tamang 2021, pp. 109–110.
  19. al-Attas, Syed Farid (Marso 2021). "Deparochialising the Canon: The Case of Sociological Theory" [Paglisan sa Kanon: Ang Kaso ng Teoryang Sosyolohikal]. Journal of Historical Sociology (sa wikang Ingles). 34 (1): 13–27. doi:10.1111/johs.12314. ISSN 0952-1909. LCCN 89656316. OCLC 18102209. S2CID 235548680. Inarkibo mula sa orihinal noong 31 Enero 2024.
  20. Becker, Howard; Barnes, Harry Elmer (1961). "The Meeting of East and West and the Advance of Secularism" [Ang Pagkikita ng Silangan at Kanluran at ang Pag-abante ng Sekularismo]. Social Thought from Lore to Science [Kaisipang Panlipunan mula Kuwento patungong Agham] (sa wikang Ingles). Bol. 1 (ika-3 (na) edisyon). New York: Dover Publications. pp. 266–277. LCCN 61004323. OCLC 423043.
  21. Alatas, Syed Farid; Sinha, Vineeta (2017). "Jose Rizal (1861-1896)". Sociological Theory Beyond the Canon [Teoryang Sosyolohikal: Lagpas sa Kanon] (sa wikang Ingles). London: Palgrave Macmillan. ISBN 978-1-137-41133-4. LCCN 2017934880. OCLC 966921499.
  22. 22.0 22.1 Conerly, Holmes & Tamang 2021, p. 99.
  23. 23.0 23.1 Lenski & Lenski 1974, p. 96.
  24. Glassman, Ronald M. (20 Hunyo 2017). "The Importance of City-States in the Evolution of Democratic Political Processes" [Ang Kahalagahan ng mga Lungsod-Estado sa Ebolusyon ng mga Demokratikong Prosesong Politikal]. The Origins of Democracy in Tribes, City-States and Nation-States [Ang Pinagmulan ng Demokrasya sa mga Tribo, Lungsod-Estado, at Bansa] (sa wikang Ingles). Springer. p. 1502. doi:10.1007/978-3-319-51695-0_126. ISBN 978-3-319-51695-0. LCCN 2019746650. OCLC 1058216897.
  25. Lenski & Lenski 1974, p. 135.
  26. Lenski & Lenski 1974, p. 134.
  27. Lee, Richard B.; Daly, Richard H. (1999). "Introduction: Foragers & Others" [Panimula: Mangangaso atbp.]. The Cambridge Encyclopedia of Hunters and Gatherers (sa wikang Ingles). Cambridge University Press. p. 3. ISBN 0-521-57109-X. LCCN 98038671. OCLC 39654919.
  28. Lenski & Lenski 1974, p. 146.
  29. Lenski & Lenski 1974, p. 142.
  30. Sahlins, Marshall D. (1968). "Discussions, Part II: Notes on the Original Affluent Society" [Diskurso, Bahagi II: Ukol sa Orihinal na Maykayang LIpunan]. Sa Lee, Richard B.; DeVore, Irven (mga pat.). Man the Hunter [Ang Nangangasong Tao] (sa wikang Ingles). Chicago, Estados Unidos: Aldine Publishing Company. pp. 85–89. LCCN 67017603. OCLC 490234.
  31. Kaplan, David (Autumn 2000). "The Darker Side of the 'Original Affluent Society'" [Ang Madilim na Bahagi ng 'Orihinal na Maykayang Lipunan']. Journal of Anthropological Research (sa wikang Ingles). 56 (3). University of Chicago Press: 287–484. doi:10.1086/jar.56.3.3631086. eISSN 2153-3806. ISSN 0091-7710. LCCN 2006237061. OCLC 60616192. S2CID 140333399.
  32. Lewis, Jerome (Setyembre 2008). Watkins, Stuart (pat.). "Managing abundance, not chasing scarcity: the real challenge for the 21st century" [Pamamahala sa dami, hindi ang paghabol sa kakapusan: ang totoong hamon para sa ika-21 siglo] (PDF). Radical Anthropology (sa wikang Ingles) (2). Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 13 Mayo 2013.
  33. Lenski & Lenski 1974, p. 267.
  34. 34.0 34.1 Lenski & Lenski 1974, pp. 268–269.
  35. 35.0 35.1 Bulliet, Richard W.; Crossley, Pamela Kyle; Headrick, Daniel R.; Hirsch, Steven W.; Johnson, Lyman L.; Northrup, David (2015). The Earth and Its Peoples: A Global History [Ang Mundo at ang mga Tao: Isang Pandaigdigang Kasaysayan] (sa wikang Ingles) (ika-6 (na) edisyon). Cengage Learning. p. 14. ISBN 978-1-285-44563-2. LCCN 2014932005. OCLC 891574574.
  36. 36.0 36.1 Lenski & Lenski 1974, p. 165.
  37. Gurven, Michael; Borgerhoff Mulder, Monique; Hooper, Paul L.; Kaplan, Hillard; Quinlan, Robert; Sear, Rebecca; Schniter, Eric; von Rueden, Christopher; Bowles, Samuel; Hertz, Tom; Bell, Adrian (19 Pebrero 2010). "Domestication Alone Does Not Lead to Inequality: Intergenerational Wealth Transmission among Horticulturalists" [Hindi lang Domestikasyon ang Humahantong sa Di-pagkakapantay-pantay: Pagpasa ng Yaman sa pagitan ng mga Henerasyon ng mga Hortikulturista] (PDF). Current Anthropology (sa wikang Ingles). 51 (1): 49–64. doi:10.1086/648587. S2CID 12364888. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 1 Hulyo 2020. Nakuha noong 19 Disyembre 2023 – sa pamamagitan ni/ng CrossRef.
  38. Lenski & Lenski 1987, pp. 164–166.
  39. Lenski & Lenski 1987, pp. 166–172.
  40. Brown 1988, pp. 78–82.
  41. Brown 1988, p. 112.
  42. Lenski & Lenski 1974, p. 315.
  43. Conerly, Holmes & Tamang 2021, p. 101.
  44. Nolan & Lenski 2009, p. 221.
  45. Nolan & Lenski 2009, p. 205.
  46. Nolan & Lenski 2009, p. 208.
  47. Conerly, Holmes & Tamang 2021, p. 102.
  48. Conerly, Holmes & Tamang 2021, p. 528.
  49. Beniger, James Ralph (1986). The Control Revolution: Technological and Economic Origins of the Information Society [Ang Rebolusyon sa Kontrol: Mga Pinagmulang Teknolohikal at Ekonomiko ng Lipunang Maka-impormasyon] (sa wikang Ingles). Harvard University Press. pp. 21–22. ISBN 0-674-16986-7. LCCN 85031743. OCLC 13064782.
  50. Mattelart, Armand (2003). Histoire de la Société de l'information [Ang Lipunang Maka-impormasyon: Isang Panimula] (sa wikang Ingles). Sinalin ni Taponier, Susan G.; Cohen, James A. SAGE Publications. pp. 99–158. ISBN 0-7619-4948-8. LCCN 2002114570. OCLC 52391229.
  51. Lyon, David (2002). "Cyberspace: Beyond the Information Society?" [Cyberspace: Lagpas sa Lipunang Maka-impormasyon?]. Sa Armitage, John; Roberts, Joanne (mga pat.). Living with Cyberspace: Technology & Society in the 21st Century [Pamumuhay kasama ng Cyberspace: Teknolohiya at Lipunan sa Ika-21 siglo] (sa wikang Ingles). Continuum. pp. 21–33. ISBN 0-8264-6035-6. LCCN 2002071646. OCLC 824653965. Inarkibo mula sa orihinal noong 29 Abril 2024.
  52. Phillips, Fred; Yu, Ching-Ying; Hameed, Tahir; El Akhdary, Mahmoud Abdullah (2017). "The knowledge society's origins and current trajectory" [Ang pinagmulan at kasalukuyang direksiyon ng lipunang makakaalaman]. International Journal of Innovation Studies (sa wikang Ingles). 1 (3): 175–191. doi:10.1016/j.ijis.2017.08.001.
  53. Castelfranchi, Cristiano (Disyembre 2007). "Six critical remarks on science and the construction of the knowledge society" [Anim na kritikal na opinyon sa agham at ang pagsasagawa sa lipunang makakaalaman]. Journal of Science Communication (sa wikang Ingles). 6 (4). SISSA: C03. doi:10.22323/2.06040303. ISSN 1824-2049. OCLC 56474936.
  54. Lapinski, Maria Knight; Rimal, Rajiv N. (Mayo 2005). "An Explication of Social Norms" [Eksplikasyon ng mga Panlipunang Norm]. Communication Theory (sa wikang Ingles). 15 (2): 127–147. doi:10.1093/ct/15.2.127. ISSN 1050-3293. LCCN 91660236. OCLC 49374452.
  55. Pristl, Ann-Catrin; Kilian, Sven; Mann, Andreas (8 Nobyembre 2020). "When does a social norm catch the worm? Disentangling social normative influences on sustainable consumption behaviour" [Kailan mahuhuli ng bulate ang panlipunang norm? Pagtanggal sa buhol ng mga impluwensiyang normatibo sa lipunan sa nasusustentong pagkonsumong pag-uugali] (PDF). Journal of Consumer Behaviour (sa wikang Ingles). 20 (3): 635–654. doi:10.1002/cb.1890. ISSN 1472-0817. LCCN 2005206515. OCLC 49883766. S2CID 228807152. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 29 Abril 2024.
  56. Conerly, Holmes & Tamang 2021, p. 111.
  57. Conerly, Holmes & Tamang 2021, p. 112.
  58. Ridgeway, Cecilia L. (2001). "Small Group Interaction and Gender" [Interaksyon sa Maliit ng Grupo at Kasarian]. Sa Smelser, Neil J.; Baltes, Paul B. (mga pat.). International Encyclopedia of the Social & Behavioral Sciences (sa wikang Ingles). Bol. 21 (ika-1st (na) edisyon). Elsevier Science. pp. 14185–14189. doi:10.1016/B0-08-043076-7/03999-1. ISBN 0-08-043076-7. LCCN 2001044791. OCLC 47869490.
  59. Fortin, Nicole M. (2005). "Gender Role Attitudes and the Labour-market Outcomes of Women across OECD Countries" [Mga Pag-uugali sa Gampaning Pangkasarian at ang Resulta sa Merkado ng Trabaho sa mga Kababaihan ng mga bansang nasa OECD]. Oxford Review of Economic Policy (sa wikang Ingles). 21 (3). Oxford University Press: 416–438. doi:10.1093/oxrep/gri024. LCCN 92648878. OCLC 39193155.
  60. Gillespie, Susan D. (2000). "Beyond Kinship: An Introduction" [Lagpas sa Kadugo: Panimula]. Sa Joyce, Rosemary A.; Gillespie, Susan D. (mga pat.). Beyond Kinship: Social and Material Reproduction in House Societies [Lagpas sa Kadugo: Panlipunan at Materyal na Reproduksiyon sa mga Tahanan ng Lipunan] (sa wikang Ingles). University of Pennsylvania Press. pp. 1–21. ISBN 0-8122-3547-9. LCCN 00021501. OCLC 43434760.
  61. Itao, Kenji; Kaneko, Kunihiko (4 Pebrero 2020). "Evolution of kinship structures driven by marriage tie and competition" [Ebolusyon ng mga estraktura ng kamag-anakan na base sa kasal at kompetisyon]. Proceedings of the National Academy of Sciences of the United States of America (sa wikang Ingles). 117 (5): 2378–2384. Bibcode:2020PNAS..117.2378I. doi:10.1073/pnas.1917716117. PMC 7007516. PMID 31964846.
  62. Chandra, Kanchan (2012). "What is Ethnic Identity? A Minimalist Definition" [Ano ang Pagkakakilanlang Etniko? Minimal na Kahulugan]. Constructivist Theories of Ethnic Politics [Mga Teoryang Konstruktibismo ng Politikang Etniko] (sa wikang Ingles). Oxford University Press. pp. 69–70. ISBN 978-0-19-989315-7. LCCN 2012006989. OCLC 779097212.
  63. Chandra, Kanchan (15 Hunyo 2006). "What is Ethnic Identity and Does It Matter?" [Ano ang Pagkakakilanlang Etniko at Mahalaga ba Ito?]. Annual Review of Political Science (sa wikang Ingles). 9: 397–424. doi:10.1146/annurev.polisci.9.062404.170715. ISSN 1094-2939. LCCN 98643699. OCLC 37047805.
  64. Cronk, Lee; Leech, Beth L. (20 Setyembre 2017). "How Did Humans Get So Good at Politics?" [Paano Naging Magaling ang mga Tao sa Politika?]. Sapiens Antropology Magazine (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 7 Agosto 2020.
  65. Blackmore, Erin (22 Pebrero 2019). "Race and ethnicity: How are they different?" [Lahi at pangkat-etniko: Paano sila Nagkakaiba?]. National Geographic (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 22 Oktubre 2020.
  66. Race, Ethnicity, and Genetics Working Group (Oktubre 2005). "The Use of Racial, Ethnic, and Ancestral Categories in Human Genetics Research" [Ang Paggamit ng Lahi, Etnisidad, at Ninuno bilang Kategorya sa Pananaliksik sa Henetikang Pantao]. American Journal of Human Genetics (sa wikang Ingles). 77 (4): 519–532. doi:10.1086/491747. PMC 1275602. PMID 16175499.
  67. Smith, Anthony D. (2006). "Ethnicity and Nationalism" [Etnisidad at Nasyonalismo]. Sa Delanty, Gerard; Kumar, Krishan (mga pat.). The SAGE Handbook of Nations and Nationalism [Ang Handbook ng SAGE sa mga Bansa at Pagkamakabansa] (sa wikang Ingles). London: SAGE Publications. p. 171. ISBN 1-4129-0101-4. LCCN 2005936296. OCLC 64555613.
  68. Harrison, J. Frank (2010) [2009]. "Forms and Models of Government" [Mga Anyo at Modelo ng Pamahalaan]. Sa Sekiguchi; Masashi (mga pat.). Government and Politics [Pamahalaan at Politika] (sa wikang Ingles). Bol. 1. Reyno Unido: Eolss Publishers. pp. 30–48. ISBN 978-1-84826-969-9. OCLC 938309332.
  69. Holslag, Jonathan (2018). A Political History of the World: Three Thousand Years of War and Peace [Politikal na Kasaysayan ng Mundo: Tatlong Libong Taon ng Digmaan at Kapayapaan] (sa wikang Ingles). Penguin Books, Limited. pp. 24–25. ISBN 978-0-241-35204-5. LCCN 2018487155. OCLC 1066747142.
  70. Christian, David (2004). Maps of Time: An Introduction to Big History [Mga Mapa ng Oras: Panimula sa Malaking Kasaysayan] (sa wikang Ingles). University of California Press. p. 284. ISBN 978-0-520-24476-4. LCCN 2003012764. OCLC 52458844.
  71. "Democracy Index 2022: Frontline democracy and the battle for Ukraine" [Indeks ng Demokrasya 2022: Demokrasya sa harapan at ang laban para sa Ukranya] (PDF). Economist Intelligence Unit (sa wikang Ingles). 2023. p. 3. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 30 Marso 2023.
  72. Mingst, Karen A.; Karns, Margaret P.; Lyon, Alynna J. (2022). "The United Nations in World Politics" [Ang Mga Nagkakaisang Bansa sa Pandaigdigang Politika]. The United Nations in the 21st Century [Ang Mga Nagkakaisang Bansa sa Ika-21 Siglo] (sa wikang Ingles) (ika-6 (na) edisyon). Routledge. pp. 1–20. doi:10.4324/9781003038269-1. ISBN 978-1-003-03826-9. LCCN 2021042389. OCLC 1284920072.
  73. 73.0 73.1 Horan, Richard D.; Bulte, Erwin; Shogren, Jason F. (Setyembre 2005). "How trade saved humanity from biological exclusion: an economic theory of Neanderthal extinction" [Paano sinalba ng kalakalan ang sangkatauhan mula sa biolohikal na paghihiwalay: isang teoryang ekonomiko ukol sa pagkaubos ng mga Neandertal]. Journal of Economic Behavior & Organization (sa wikang Ingles). 58 (1): 1–29. doi:10.1016/j.jebo.2004.03.009. ISSN 0167-2681. LCCN 81644042. OCLC 6974696.
  74. Gosch, Stephen S.; Stearns, Peter N., mga pat. (2008). "Beginnings to 1000 BCE" [Mga Simula patungong 1000 BKP]. Premodern Travel in World History [Premodernong Paglalakbay sa Kasaysayan ng Mundo] (sa wikang Ingles). Routledge. pp. 7–9. ISBN 978-0-415-22940-1. LCCN 2007004687. OCLC 82286698.
  75. Henriques, Martha. "How spices changed the ancient world" [Paano binago ng mga pampalasa ang sinaunang mundo]. BBC (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 25 Enero 2021.
  76. Strauss, Ilana E. (26 Pebrero 2016). "The Myth of the Barter Economy" [Ang Mito ng Ekonomiya ng Palitan]. The Atlantic (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Pebrero 2021.
  77. Semenova, Alla (14 Abril 2011). "Would You Barter with God? Why Holy Debts and Not Profane Markets Created Money" [Pakikipagpalitan ka ba sa Diyos? Kung Paano Ginagawa ang Pera Dahil sa Banal na Utang at Hindi ng Merkado]. American Journal of Economics and Sociology (sa wikang Ingles). 70 (2): 376–400. doi:10.1111/j.1536-7150.2011.00779.x. eISSN 1536-7150. ISSN 0002-9246. LCCN 45042294. OCLC 1480136.
  78. Evans, David S. (24 Enero 2005). "The Growth and Diffusion of Credit Cards in Society" [Ang Paglaki at Pagsama ng Credit Card sa Lipunan]. Payment Card Economics Review (sa wikang Ingles). 2: 59–76. ISSN 1946-4983. LCCN 2004240967. OCLC 54674679. SSRN 653382. Inarkibo mula sa orihinal noong 14 Enero 2024.
  79. Yong, Ed (28 Setyembre 2016). "Humans: Unusually Murderous Mammals, Typically Murderous Primates" [Mga Tao: Mga Mamalyang Mahilig Pumatay, ay Madalas Pumatay ng mga Primata]. The Atlantic (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 7 Mayo 2021.
  80. Ferguson, R. Brian (1 Setyembre 2018). "War Is Not Part of Human Nature" [Hindi Bahagi ng Pagiging Tao ang Digmaan]. Scientific American (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 30 Enero 2021.
  81. Gómez, José María; Verdú, Miguel; González-Megías, Adela; Méndez, Marcos (Oktubre 2016). "The phylogenetic roots of human lethal violence" [Ang pilohenetikong ugat ng nakakamatay na karahasan ng mga tao]. Nature (sa wikang Ingles). 538 (7624): 233–237. Bibcode:2016Natur.538..233G. doi:10.1038/nature19758. ISSN 1476-4687. LCCN 2005233250. OCLC 47076528. PMID 27680701. S2CID 4454927.
  82. Pagel, Mark (Oktubre 2016). "Animal behaviour: Lethal violence deep in the human lineage" [Ugali ng hayop: Malalim ang nakakamatay na karahasan sa linya ng mga tao] (PDF). Nature (sa wikang Ingles). 538 (7624): 180–181. Bibcode:2016Natur.538..180P. doi:10.1038/nature19474. ISSN 1476-4687. LCCN 2005233250. OCLC 47076528. PMID 27680700. S2CID 4459560. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 20 Mayo 2022.