Isolasyonismo
Ang isolasyonismo (Ingles: isolationism), na katumbas o kaugnay ng mga salitang pagbubukod, paghihiwalay, separasyon, segregasyon, paglalayo, pagkakabukod, o pagkakalayo, ay isang pambansang patakaran ng pag-iwas sa pakikisangkot sa mga gawain ng ibang mga bansa.[1] Ang isolasyonismo ay isang kategorya ng mga patakaran na pang-ugnayang panlabas na pinasimulan at itinatag ng mga pinuno na nagpahayag at naggigiit na ang pinakamainam na mga interes o kapakanan ng kanilang mga bansa ay higit na mapaglilingkuran o maihahain sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga gawain ng ibang mga bansa. Kung minsan ginagamit na panira ang katagang ito sa mga debateng pampulitika. Naniniwala ang mga isolasyonista na ang paglilimita sa pakikisangkot na pandaigidigan o internasyunal ay makakaiwas sa kanilang mga bansa na mahila papunta sa mga hidwaang mapanganib at hindi kanais-nais. Mayroong mga isolasyonistang naniniwala na ang kanilang mga bansa ay mas mahusay na mapaglilingkuran sa pamamagitan ng pag-iwas din sa mga pandaigdigang kasunduan na pangkalakalan o iba pang mga kasunduan ng pakikipagtulungang mayroong pagdamay.[2]
Dalawang magkabukod at hindi magkaugnay na mga diwa ang paminsan-minsang may kamaliang inuuri bilang isolasyonismo. Ito ay ang mga sumusunod:
- Hindi pakikialam o walang pamamagitan – na nakikilala sa Ingles bilang non-interventionism, isang paniniwala na ang mga pinunong pampulitika ay dapat na umiwas sa mga pakikianib o alyansang militar sa ibang mga nasyon at ang pag-iwas sa pakikialam sa mga digmaan na walang tuwirang epekto sa kanilang bansa. Subalit, karamihan sa mga hindi pakialamero (non-interventionist) ay mga tagasuporta ng malayang kalakalan, malayang paglalakbay, at sumusuporta sa partikular na mga kasunduang internasyunal, hindi sila katulad ng ma isolasyonista.
- Proteksiyonismo – mas madalas na kaugnay ng ekonomiya; naniniwala ang mga tagapagtaguyod nito na dapat mayroong mga legal na hadlang upang makontrol ang pagpapalitang pangkalakalan at pangkultura sa mga tao ng ibang mga estado.