Chang'e 5
Ang Chang'e 5 (Sa Intsik: 嫦娥五号, pinyin: Cháng'é wǔhào), ay ang ikalimang misyong pangkalawakan ng Programang Paglalalakbay sa Buwan na pinamamahalaan ng Pambansang Tanggapang Pangkalawakan ng Tsina, at kauna-unahang pagkakataon ng Tsina na kumuha ng muwestra mula sa Buwan.[1] Tulad ng mga nauna rito, ipinangalan ang sasakyang pangkalawakang ito sa diyosa ng buwan sa mitolohiyang Intsik na si Chang'e. Inilunsad ito noong ika-23 ng Nobyembre 2020 mula sa lunsaran ng Wenchang sa Isla ng Hainan, lumapag sa Buwan noong ika-1 ng Disyembre 2020, kumuha ng ~1,731 g ng muwestra ng lupa at bato (kasama na ang mula sa barenang may ~1 m ang lalim) at bumalik sa daigdig noong ika-16 ng Disyembre.[2][3][4]
Ang Chang'e 5 din ang unang pagkakataon na nagkaroon ng pagkuha ng muwestra mula sa Buwan mula nang gawin ito ng misyong Luna 24 ng dating Unyong Sobyet noong 1976.[5] Sa pagtatagumpay ng misyong ito, naging ikatlo sa mga bansang direktang nakakuha ng mga muwestra ng buwan ang Tsina matapos ang Estados Unidos at Unyong Sobyet.[6]
Mga kasangkapan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga bahagi
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mayroong apat na modyul o bahagi ang misyong Chang'e 5:
- Tagalapag: lumapag sa ibabaw ng buwan matapos humiwalay sa taga-inog; may barena at pantakal na pangkuha ng mga muwestra.
- Tagapag-akyat: Matapos makakuha ng muwestra inilipat ang mga ito sa isang sisidlan sa loob ng Tagapag-akyat; bumagsak muli sa buwan matapos maipasa ang mga muwestra sa Taga-inog upang hindi maging basurang pangkalawakan
- Taga-inog: Matapos dalhin paitaas ng Tagapag-akyat ang mga muwestra, inilipat ang mga muwestra sa modyul na tuloy-tuloy na umiinog sa palibot ng buwan, na siya namang lumipad pabalik sa ligiran ng Daigdig
- Tagapagbalik: Nagsagawa ng maniobrang skip-reentry o pagtalon sa ibabaw ng atmospera bago muling pumasok sa atmospera ng daigdig
Ang tinatayang masa ng Chang'e 5 sa paglulunsad nito ay 8,200 kg, habang ang Tagalapag nito ay may masang 1,200 kg at ang Tagapag-akyat nito ay may masang 500 kg.[7] Hindi tulad ng Chang'e 4 na may radioisotope heater unit upang malagpasan ang matinding ginaw ng gabi sa Buwan, walang ganitong kasangkapan ang Tagalapag ng Chang'e 5 kung kaya tumigil ang paggana nito nang dumating ang gabi sa Buwan.
Mga instrumentong siyentipiko
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kabilang sa Chang'e 5 ang apat na siyentipikong instrumento tulad ng isang kamera sa paglapag, isang kamerang panoramiko, isang ispektrometrong mineralohikal, at isang ground penetrating radar na panilip sa ilalim ng nilapagan nito.[8][9][10] May dalawang paraan ang Chang'e 5 upang makakuha ng mga muwestra: sa pamamagitan ng pagbarena sa ilalim ng Buwan at pagtakal ng lupa. Ang pantakal ay binuo ng Politeknikong Unibersidad ng Hong Kong.[11]
Banghay ng misyon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Konteksto
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Chang'e 5 ay nakapaloob sa Programang Paglalakbay sa Buwan ng Tsina na may apat na yugto. Ang mga ito ay ang:[12][13]
- Makainog sa Buwan, na nagampanan ng Chang'e 1 at Chang'e 2 noong 2007 at 2010
- Dahan-dahang makalapag sa Buwan at magpaandar ng isang rover, na nagampanan ng Chang'e 3 at Chang'e 4 noong 2013 at 2018
- Makakuha at makapagbalik ng mga muwestra, na kalauna'y nagampanan ng Chang'e 5 at gagawin muli ng Chang'e 6 sa 2024
- Gumamit ng mga rekurso sa lugar na nilapagan, kasama na ang pagtatayo ng isang Pandaigdigang Himpilan ng Pananaliksik sa Buwan malapit sa timog polo nito
Inaasahan na pagsapit ng dekada 2030s ay tutungo ang Programang ito sa pagtataguyod ng mga misyong lalapag ang mga tao mismo sa ibabaw ng Buwan.
Paglulunsad
[baguhin | baguhin ang wikitext]Binalak na ilunsad sana ang Chang'e 5 noong Nobyembre 2017 sa pamamagitan ng roketang Long March 5. Subalit, dahil sa pagpalya ng roketa noong Hulyo 2017, napilitan ang pagpapaliban sa paglunsad ng misyon sa taong 2020.[14] Noong ika-27 ng Disyembre 2019, matagumpay na nakabalik sa serbisyo ang Long March 5, na siya namang nagpahintulot sa pagkakalunsad ng misyon sa Marte na Tianwen-1.[15] Noong ika-23 ng Nobyembre 2020, inilunsad ang Chang'e 5 ng isang roketang Long March 5 mula sa lunsaran ng Wenchang sa isla ng Hainan. Sa panahon ng paglalakbay nito patungo sa Buwan at pabalik, nagbigay ng ayuda ang Tanggapang Pangkalawakan ng Europa (ESA) sa misyon sa pamamagitan ng pagmamanman sa pagkilos nito sa himpilang pangkomunikasyon nito sa Kourou sa French Guiana at sa himpilang Maspalomas sa Canary Islands.[16]
Paglapag sa Buwan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Lumapag sa Buwan ang noo'y magkasanib pang mga yunit ng Tagapaglapag at Taga-akyat noong ika-1 ng Disyembre 2020 sa 43.1°H latitud, 51.8°K longitud sa may hilagang bahagi ng Oceanus Procellarum, malapit sa isang bulkanikong kompleks, ang Mons Rumker.[17] Ang nilapagan ng Chang'e 5, na tinawag ng Pandaigdigang Astronomikong Unyon na 'Himpilang Tianchuan',[18] ay nakapaloob sa Tereyn ng Procellarum KREEP[19] na may mas mataas na dami ng mga nag-iinit na elemento, mas manipis na balat, at pinatagal na bulkanismo. Ang lugar ay kinatatangian ng ilan sa pinakabatang mga basaltong mare sa Buwan (na may edad na ~1.21 bilyong taon)[20] na mas mayaman sa titanyo, thorium, at olibin[21] at hindi pa nakukuhanan ng muwestra ng mga misyong Apollo at Luna ng Estados Unidos at Unyong Sobyet, ayon sa pagkakasunod.[22]
Pagbabalik sa Daigdig
[baguhin | baguhin ang wikitext]Lumipad paitaas mula sa Oceanus Procellarum ang Tagapag-akyat na modyul ng Chang'e 5 noong ika-3 ng Disyembre 2020 at makalipas ang anim na minuto ay lumiligid na sa itaas ng Buwan.[23] Noong ika-5 ng Disyembre, dumugtong ang Tagapag-akyat sa Taga-inog/Tagapagbalik na una nang umiinog sa itaas ng Buwan at naghihintay sa pagdating nito at inilapat ang taglay nitong mga muwestra sa Tagapagbalik bago ito humiwalay noong ika-6 ng Disyembre.[24] Matapos nito, bumagsak ang Tagapag-akyat sa Buwan noong ika-7 ng Disyembre sa bisinidad ng mga koordinadong ~30°T latitud, 0°S longitud.[25] Sa kabilang banda, noong ika-13 ng Disyembre 2020 naman, matagumpay na sinilaban ng Taga-inog/Tagapagbalik ang kanilang makina upang pumasok sa ligirang maglilipat sa kanila mula sa Buwan patungo sa Daigdig (Hohmann transfer orbit).[26]
Noong ika-16 ng Disyembere 2020, nagsagawa ng maniobrang skip-reentry o pagtalon sa ibabaw ng atmospera ang 300 kg na kapsulang nagtataglay ng mga muwestra sa bisinidad ng Dagat Arabo bago tuluyang pumasok sa atmospera. Ang kapsula, na naglalaman ng halos 2 kg ng nabarena at tinakal na mga muwestra, ay lumapag sa damuhang disyerto ng Siziwang sa lalawigan ng Loobang Mongolia ng Tsina. Natukoy na ng mga drone ang kapsula habang nahuhulog pa ito, na siya namang nakatulong upang malaman ang eksaktong lugar ng pagkakalapag nito para makuha ng mga behikulong pan-rekoberi.[27]
Samantala, ang taga-inog na module ng Chang'e 5 ay naiwan sa kalawakan at nagsagawa ng pagsilab upang makaiwas sa muling pagpasok sa Daigdig at pinapunta ng mga kumander ng misyon patungo sa Puntong Lagrange L1 sa pagitan ng Daigdig at Araw para sa isang pinahabang misyon.
Pinahabang misyon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong ika-15 ng Marso 2021, nakarating ang taga-inog na modyul ng Chang'e 5 sa Puntong Lagrange L1 sa pagitan ng Daigdig at Araw, ang kauna-unahang Intsik na sasakyang pangkalawakang nakarating sa puwestong ito.[28] Saglit na dumaan muli sa Buwan ang taga-inog noong ika-9 ng Setyembre 2021. Noong Enero 2022, linisan ng Chang'e 5 ang L1 at nagsagawa ng mainobra upang maging distant retrograde orbit ang ligiran nito, na para naman sa isasagawang pagsubok sa teknik na very-long-baseline interferometry.[29][30][31] Noong Pebrero 2022, nasundan ng mga amatyur na tagapagmanman ng mga satelayt ang mga signal ng Chang'e 5 at kanilang nakumpirma na nasa estadong distant retrograde orbit na nga ito, ang kauna-unahan sa alinmang mga sasakyang pangkalawakan sa kasaysayan.[32]
Pananaliksik sa mga muwestra ng buwan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nakakolekta ng kabuuang ~1,731 gramo ng muwestra mula sa Buwan ang Chang'e 5, na napakahalaga sa pagtugon sa ilang mga kasagutan hinggil sa pagkakabuo at heolohikal na ebolusyon ng Buwan.[33][34] Ayon kay Wu Yanhua (吴艳华), diputadong direktor ng Pambansang Tanggapang Pangkalawakan ng Tsina, ibabahagi raw ng Tsina sa pandaigdigang pamayanan ng mga mananaliksik ang ilan sa mga muwestrang nakuha nito,[35][36] at noong Agosto 2023, o halos tatlong taon ang nakalilipas, ibinukas ng Tsina sa pandaigdigang mga mananaliksik sa unang pagkakataon ang aplikasyon para gamitin o hiramin ang mga muwestra.[37]
Katangi-tangi ang relatibong batang edad ng mga muwestrang ito, na 1.96 bilyong taong gulang batay sa mga paunang pagsusuri.[38] Makakatulong din ang datos na ito upang mas mapaghusay ang kawastuhan ng mga modelong nakaasa sa crater-counting o ang pagbibilang ng mga butas sa ibabaw ng isang planeta para indirektang matantya ang edad nito.[39] Natuklasan din ng kaparehong pangkat na pinamumunuan ng Akademya ng Heolohikal na Agham ng Tsina na mayroon ding mga molekula ng hydroxyl ang mga muwestra mula sa Buwan batay sa kanilang reflectance spectra, patunay na may presensya ito ng tubig na may konsentrasyong aabot sa 120 bahagi kada milyon o ppm.[40]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Liu, Jianjun; Zeng, Xingguo; Li, Chunlai; Ren, Xin; Yan, Wei; Tan, Xu; Zhang, Xiaoxia; Chen, Wangli; Zuo, Wei; Liu, Yuxuan; Liu, Bin (Pebrero 2021). "Landing Site Selection and Overview of China's Lunar Landing Missions". Space Science Reviews. 217 (1): 6. Bibcode:2021SSRv..217....6L. doi:10.1007/s11214-020-00781-9. ISSN 0038-6308. S2CID 234037992. Inarkibo mula sa orihinal noong 30 Agosto 2022. Nakuha noong 9 Enero 2021.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ CNSA. "China's Chang'e-5 retrieves 1,731 kilograms of moon samples". Inarkibo mula sa orihinal noong 4 Enero 2021. Nakuha noong 9 Enero 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Jones, Andrew (23 Disyembre 2020). "China says it's open to sharing moon rocks as Chang'e 5 samples head to the lab". space.com. Inarkibo mula sa orihinal noong 30 Agosto 2022. Nakuha noong 18 Enero 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Chang'e-5: China's Moon sample return mission". The Planetary Society (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2023-08-12.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Chang'e-5: China's Moon sample return mission". The Planetary Society (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2023-08-12.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ updated, Mike Wall last (2020-12-01). "China's Chang'e 5 lands on the moon to collect the 1st fresh lunar samples in decades". Space.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2023-08-12.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "十年铸器,嫦娥五号这些年". mp.weixin.qq.com. 26 Nobyembre 2020. Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Disyembre 2020. Nakuha noong 29 Nobyembre 2020.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Cai, Tingni. "Experimental Ground Validation of Spectral Quality of the Chang'E-5 Lunar Mineralogical Spectrometer". Spectroscopy and Spectral Analysis. 2019 (1): 257–262.
- ↑ Xiao, Yuan; Su, Yan; Dai, Shun; Feng, Jianqing; Xing, Shuguo; Ding, Chunyu; Li, Chunlai (Mayo 2019). "Ground experiments of Chang'e-5 lunar regolith penetrating radar". Advances in Space Research. 63 (10): 3404–3419. Bibcode:2019AdSpR..63.3404X. doi:10.1016/j.asr.2019.02.001. S2CID 127730975. Inarkibo mula sa orihinal noong 27 Disyembre 2021. Nakuha noong 9 Enero 2021.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Li, Yuxi; Lu, Wei; Fang, Guangyou; Zhou, Bin; Shen, Shaoxiang (Abril 2019). "Performance verification of Lunar Regolith Penetrating Array Radar of Chang'e-5 mission". Advances in Space Research. 63 (7): 2267–2278. Bibcode:2019AdSpR..63.2267L. doi:10.1016/j.asr.2018.12.012. S2CID 125137061. Inarkibo mula sa orihinal noong 21 Hunyo 2022. Nakuha noong 9 Enero 2021.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "PolyU-made space instruments complete lunar sampling for Chang'e 5". Inarkibo mula sa orihinal noong 11 Enero 2021. Nakuha noong 9 Enero 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Lin, X. U.; Zhaoyu, P. E. I.; Yongliao, Z. O. U.; Chi, Wang (2020-09-15). "China's Lunar and Deep Space Exploration Program for the Next Decade (2020-2030)". 空间科学学报 (sa wikang Tsino). 40 (5): 615–617. doi:10.11728/cjss2020.05.615. ISSN 0254-6124.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Overview of lunar exploration and International Lunar Research Station". Chinese Science Bulletin (sa wikang Ingles): 2577–2586. doi:10.1360/TB-2020-0582. ISSN 0023-074X.[patay na link]
- ↑ Foust, Jeff (25 Setyembre 2017). "Long March 5 failure to postpone China's lunar exploration program". SpaceNews. Inarkibo mula sa orihinal noong 30 Agosto 2022. Nakuha noong 17 Disyembre 2017.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Successful Long March 5 launch opens way for China's major space plans". SpaceNews. 2019-12-27. Nakuha noong 2023-01-02.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ https://www.esa.int/ESA_Multimedia/Images/2020/11/ESA_tracks_Chang_e-5_Moon_mission
- ↑ Zhao, Jiannan; Xiao, Long; Qiao, Le; Glotch, Timothy D.; Huang, Qian (27 Hunyo 2017). "The Mons Rümker volcanic complex of the Moon: a candidate landing site for the Chang'e-5 mission". Journal of Geophysical Research: Planets. 122 (7): 1419–1442. Bibcode:2017JGRE..122.1419Z. doi:10.1002/2016je005247. ISSN 2169-9097. S2CID 9926094.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Jones, Andrew (8 Hulyo 2021). "China's Chang'e 5 moon landing site finally has a name". Space.com. Inarkibo mula sa orihinal noong 8 Hulyo 2021. Nakuha noong 9 Hulyo 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Jolliff, Bradley L.; Gillis, Jeffrey J.; Haskin, Larry A.; Korotev, Randy L.; Wieczorek, Mark A. (2000-02-25). "Major lunar crustal terranes: Surface expressions and crust-mantle origins". Journal of Geophysical Research: Planets. 105 (E2): 4197–4216. Bibcode:2000JGR...105.4197J. doi:10.1029/1999JE001103. S2CID 85510409.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Qian, Y. Q.; Xiao, L.; Zhao, S. Y.; Zhao, J. N.; Huang, J.; Flahaut, J.; Martinot, M.; Head, J. W.; Hiesinger, H.; Wang, G. X. (Hunyo 2018). "Geology and Scientific Significance of the Rümker Region in Northern Oceanus Procellarum: China's Chang'E-5 Landing Region". Journal of Geophysical Research: Planets. 123 (6): 1407–1430. Bibcode:2018JGRE..123.1407Q. doi:10.1029/2018JE005595. S2CID 51754619.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Qian, Y. Q.; Xiao, L.; Zhao, S. Y.; Zhao, J. N.; Huang, J.; Flahaut, J.; Martinot, M.; Head, J. W.; Hiesinger, H.; Wang, G. X. (Hunyo 2018). "Geology and Scientific Significance of the Rümker Region in Northern Oceanus Procellarum: China's Chang'E-5 Landing Region". Journal of Geophysical Research: Planets. 123 (6): 1407–1430. Bibcode:2018JGRE..123.1407Q. doi:10.1029/2018JE005595. S2CID 51754619.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Qian, Yuqi; Xiao, Long; Head, James W.; van der Bogert, Carolyn H.; Hiesinger, Harald; Wilson, Lionel (Pebrero 2021). "Young lunar mare basalts in the Chang'e-5 sample return region, northern Oceanus Procellarum". Earth and Planetary Science Letters. 555: 116702. Bibcode:2021E&PSL.55516702Q. doi:10.1016/j.epsl.2020.116702. S2CID 229938628. Inarkibo mula sa orihinal noong 18 Enero 2021. Nakuha noong 9 Enero 2021.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Andrew, Jones (3 Disyembre 2020). "China's Chang'e 5 probe lifts off from moon carrying lunar samples". Space.com. Inarkibo mula sa orihinal noong 4 Disyembre 2020. Nakuha noong 2020-12-04.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ CNSA. "Chang'e 5 mission continues as ascender separates". Inarkibo mula sa orihinal noong 23 Enero 2021. Nakuha noong 9 Enero 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Chang'e-5 spacecraft smashes into moon after completing mission". SpaceNews. 8 Disyembre 2020. Nakuha noong 2020-12-11.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ CNSA. "Chang'e 5 set to start journey to Earth". Inarkibo mula sa orihinal noong 23 Enero 2021. Nakuha noong 9 Enero 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ CNSA. "Chang'e 5's reentry capsule lands with moon samples". Inarkibo mula sa orihinal noong 23 Enero 2021. Nakuha noong 9 Enero 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "中国首颗!嫦娥五号轨道器进入日地L1点探测轨道". Weixin Official Accounts Platform. Inarkibo mula sa orihinal noong 30 Agosto 2022. Nakuha noong 2021-03-19.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Jones, Andrew (15 Pebrero 2022). "A Chinese spacecraft is testing out a new orbit around the moon". Space News.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Jones, Andrew (15 Pebrero 2022). "A Chinese spacecraft is testing out a new orbit around the moon". Space News.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Chang'e-5: China's Moon sample return mission". Planetary.
- ↑ Jones, Andrew (15 Pebrero 2022). "A Chinese spacecraft is testing out a new orbit around the moon". Space News.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Qian, Y. Q.; Xiao, L.; Zhao, S. Y.; Zhao, J. N.; Huang, J.; Flahaut, J.; Martinot, M.; Head, J. W.; Hiesinger, H.; Wang, G. X. (Hunyo 2018). "Geology and Scientific Significance of the Rümker Region in Northern Oceanus Procellarum: China's Chang'E-5 Landing Region". Journal of Geophysical Research: Planets. 123 (6): 1407–1430. Bibcode:2018JGRE..123.1407Q. doi:10.1029/2018JE005595. S2CID 51754619.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Qian, Yuqi; Xiao, Long; Head, James W.; van der Bogert, Carolyn H.; Hiesinger, Harald; Wilson, Lionel (Pebrero 2021). "Young lunar mare basalts in the Chang'e-5 sample return region, northern Oceanus Procellarum". Earth and Planetary Science Letters. 555: 116702. Bibcode:2021E&PSL.55516702Q. doi:10.1016/j.epsl.2020.116702. S2CID 229938628. Inarkibo mula sa orihinal noong 18 Enero 2021. Nakuha noong 9 Enero 2021.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Amos, Jonathan. "China's Chang'e-5 mission returns Moon samples". BBC News. Inarkibo mula sa orihinal noong 16 Disyembre 2020. Nakuha noong 16 Disyembre 2020.
{{cite news}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "China says it will share Chang'e 5 samples with global scientific community". South China Morning Post. 2020-12-17. Inarkibo mula sa orihinal noong 17 Disyembre 2020. Nakuha noong 2020-12-17.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ published, Andrew Jones (2023-08-14). "China makes Chang'e 5 moon samples open to international researchers". Space.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2023-08-15.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Che, Xiaochao; Nemchin, Alexander; Liu, Dunyi; Long, Tao; Wang, Chen; Norman, Marc D.; Joy, Katherine H.; Tartese, Romain; Head, James; Jolliff, Bradley; Snape, Joshua F. (2021). "Age and composition of young basalts on the Moon, measured from samples returned by Chang'e-5". Science. 374 (6569): 887–890. Bibcode:2021Sci...374..887C. doi:10.1126/science.abl7957. PMID 34618547. S2CID 238474681. Inarkibo mula sa orihinal noong 12 Oktubre 2021. Nakuha noong 12 Oktubre 2021.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Che, Xiaochao; Nemchin, Alexander; Liu, Dunyi; Long, Tao; Wang, Chen; Norman, Marc D.; Joy, Katherine H.; Tartese, Romain; Head, James; Jolliff, Bradley; Snape, Joshua F. (2021). "Age and composition of young basalts on the Moon, measured from samples returned by Chang'e-5". Science. 374 (6569): 887–890. Bibcode:2021Sci...374..887C. doi:10.1126/science.abl7957. PMID 34618547. S2CID 238474681. Inarkibo mula sa orihinal noong 12 Oktubre 2021. Nakuha noong 12 Oktubre 2021.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Lin, Honglie; atbp. (Enero 7, 2022). "In situ detection of water on the Moon by the Chang'E-5 lander". Science Advances. 8 (1): eabl9174. Bibcode:2022SciA....8.9174L. doi:10.1126/sciadv.abl9174. PMC 8741181. PMID 34995111.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)