Pumunta sa nilalaman

Biryani

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Biryani
Hyderabadi dum biryani
Ibang tawagBiriyani, biriani, beriani, briyani, breyani, briani, birani, buriyani, bariania, beriani
KursoUlam
Rehiyon o bansaTimog Asya, Kanlurang Asya, Gitnang Asya, Timog-silangang Asya
Ihain nangMainit
Pangunahing Sangkap
  • Kanin
  • Espesya
  • Karne
Karagdagang Sangkap
  • Tupa
  • Manok
  • Baka
  • Itlog
  • Nuwes
  • Pinatuyong prutas
  • Gulay
  • Patatas
BaryasyonSamu't sari

Ang biryani ay isang kani't ulam mula sa mga Muslim ng Timog Asya. Gawa ito sa kanin, karne (manok, baka, kambing, tupa, hipon, o isda) at mga espesya. Upang paglaanan ang mga behetaryano, inihahanda ito minsan nang walang anumang karne, at sa halip pinapalitan ng mga gulay.[1] Minsan dinaragdagan ito ng mga itlog at/o patatas.[2]

Isa sa mga pinakasikat na ulam ang biryani sa Timog Asya, pati na rin sa mga diaspora mula sa rehiyon. May mga kahawig na pagkain din sa ibang bahagi ng mundo kagaya ng Irak, Myanmar, Taylandiya, at Malasya.[3] Ito ang pinakainoorder na pagkain onlayn at kapag nagpapadeliber sa Indiya, at pinanganlang pinakasikat na pagkain sa Indiya.[4][5]

Selyong pandekorasyon na may larawan ng biryani na inihain sa mabilog na palayok-terakota, na may label na "500" sa kaliwang sulok sa itaas ng selyo at "Biryani" sa kanang sulok sa itaas
Biryaning inilarawan sa 2017 na selyong Indiyano

Ayon sa isang teorya, nagmula ang salitang biryani mula sa birinj (Persa: برنج‎), ang Persang salita para sa kanin.[6][7] Ayon sa isa pang teorya, hango ito sa biryan o beriyan (Persa: بریان‎), na nangangahulugang "magprito" o "maglitson".[8][9] Maaaring may kaugnayan din ito sa salitang Persa na bereshtan (Persa: برشتن‎) na may kahawig na kahulugan na "magprito (ng sibuyas)", dahil kadalasang inihahanda itong pagkain sa pagpapalasa sa kanin ng pritong sibuyas at karne, pati mga banayad na espesya.

Hindi matiyak kung saan nagmula itong pagkain. Sa Hilagang Indiya, nalinang ang iba't ibang uri ng biryani sa mga sentrong Muslim ng Delhi (lutuing Mughlai), Rampur, Lucknow (lutuing Awadhi) at iba pang maliliit na prinsipalidad. Sa Timog Indiya, kung saan mas patok ang kanin bilang isteypol, lumitaw ang iilang natatanging uri ng biryani mula sa Hyderabad Deccan (kung saan naniniwala ang ilan na nagmula ang ulam[10]) pati na rin sa Tamil Nadu (Ambur, Thanjavur, Chettinad, Salem, Dindigal), Kerala (Malabar), Telangana, at Karnataka (Bhatkal) kung saan may mga komunidad ng Muslim.[6][11]

Nag-iiba-iba ang mga sangkap ng biryani ayon sa rehiyon at uri ng karne at gulay na ginamit. Karne (manok, kambing, baka, tupa,[12] hipon o isda) ang pangunahing sinasangkapan sa kanin. Kagaya ng mga ibang pagkain sa subkontinenteng Indiyo, ginagamit din minsan ang mga gulay kapag inihahanda ang biryani. Maaaring sangkapin ang mais, depende sa panahon at pagkakaroon nito.

Maaaring kabilang sa mga espesya at kondimento na sinasahugan sa biryani ang binhi ng haras, ghee, moskada, masis,[13] paminta, kalabumpako,[13] kardamono, kanela, dahong laurel, unsoy, malipukon, luya, sibuyas, kamatis, siling berde,[12] at bawang. May kasubha ang mga de-kalidad na baryante.[13] Sa ilang mga resiping komersiyal ng biryani, may mga aromatiko kagaya ng attar, kewra at tubig-rosas. Maaari ring magdagdag ng mga pinatuyong prunong maasim (alu bukhara) sa biryani.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. R. Macrae; Richard Kenneth Robinson; Michèle J. Sadler, mga pat. (1993). Encyclopaedia of Food Science, Food Technology, and Nutrition [Ensiklopedya ng Agham Pangkain, Teknolohiya ng Pagkain, at Nutrisyon] (sa wikang Ingles). Bol. 5. Academic Press. p. 3486. ISBN 978-0-12-226855-7.
  2. Bhandari, Kabir Singh (21 Abril 2020). "The curious case of potato in Kolkata biryani and how the British fed us a lie" [Ang usyosong kaso ng patatas sa biryani ng Kolkata at kung paano tayo nasinungalingan ng mga Briton]. Hindustan Times (sa wikang Ingles). Nakuha noong 19 Agosto 2020.
  3. Wallis, Bruce (12 April 2017). "Eat My Words: A taste of Iraqi Kurdistan" [Tikma't Umamin: Patikim ng Iraking Kurdistan]. Duluth News Tribune (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 5 Oktubre 2021. Nakuha noong 28 Disyembre 2018.
  4. Daniyal, Shoaib. "Biryani is India's most popular dish – so why does the BJP hate it so much?" [Biryani ang pinakasikat na pagkain sa Indiya – pero bakit ito kinapopootan ng BJP?]. Scroll.in (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2021-12-17.
  5. Tandon, Suneera (16 Disyembre 2020). "Jubilant FoodWorks forays into biryani business with 'Ekdum'" [Magalak na FoodWorks, naggalugad sa negosyong biryani sa pamamagitan ng 'Ekdum']. mint (sa wikang Ingles). Nakuha noong 15 Nobyembre 2021.
  6. 6.0 6.1 Karan, Pratibha (2009). Biryani. Random House India. pp. 1–12, 45. ISBN 978-81-8400-254-6.
  7. "Definition of 'biryani'" [Kahulugan ng 'biryani']. Oxford Dictionary (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 14 Oktubre 2013. Nakuha noong 15 Hulyo 2016.
  8. Cannon, Garland Hampton; Kaye, Alan S. (2001). The Persian Contributions to the English Language: An Historical Dictionary [Ang Mga Persang Ambag sa Wikang Ingles: Isang Makasaysayang Diksiyonaryo] (sa wikang Ingles). Otto Harrassowitz Verlag. p. 71. ISBN 978-3-44704-503-2.
  9. Vishal, Anoothi (14 Mayo 2011). "When rice met meat" [Kung Kailan Nagkakilala Ang Kanin at Karne]. Business Standard (sa wikang Ingles). Nakuha noong 6 Agosto 2018.
  10. Knipple, Paul; Knipple, Angela (Marso 2012). The World in a Skillet: A Food Lover's Tour of the New American South [Ang Mundo sa Kawali: Paggala ng Mahilig sa Pagkain sa Bagong Amerikanong Timog] (sa wikang Ingles). ISBN 9780807869963.
  11. Saxena, Sparshita. "10 Best Biryani Recipes" [10 Pinakamagandang Resipi ng Biryani]. NDTV Food (sa wikang Ingles). Nakuha noong 24 Hunyo 2016.
  12. 12.0 12.1 Makhijani, Pooja (22 Hunyo 2017). "A Beginner's Guide to Biryani, the Ultimate Rice Dish" [Isang Gabay Pambaguhan sa Biryani, ang Ultimong Kani't Ulam]. Saveur (sa wikang Ingles). Nakuha noong 19 Disyembre 2018.
  13. 13.0 13.1 13.2 Brown, Ruth (16 Agosto 2011). "The Melting Pot – A Local Prep Kitchen Incubates Portland's Next Generation of Food Businesses" [Ang Tunawan – Isang Lokal na Kusinang Panghanda, Nagpapalaki sa Susunod na Henerasyon ng Mga Negosyong Pagkain sa Portland]. Willamette Week (sa wikang Ingles). Blg. 41.