Pumunta sa nilalaman

Awiting Gregoriano

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang mga awiting Gregoriano (Ingles: Gregorian chant, monastic chant, Kastila: canto gregoriano), na tinatawag ding kantang Gregoryano, awiting monastiko, awiting pangkumbento, awiting pangmonghe, o awiting pangmongha ay isang mahalagang anyo o uri ng payak na awit o awiting walang adorno o awiting liso, na pangunahing ginagamit sa Simbahang Katoliko Romano. Sa kantang liso, inaawit ng lahat ng mga tao ang iisang tugtugin nang lahatan at magkakasabay sa halos lahat ng pagkakataon. Pero kung minsan, nagkakaroon ng ikalawang bahagi na tinatawag na "organum", na madalas na gumagamit ng gayon ding melodiya, subalit nasa isang interbal o agwat (isinasalit). Ang ganitong agwat ay kadalasang nasa ikaapat o ikalima.

Ang awiting Gregoriano ay ang pangunahing tradisyon ng awiting walang palamuti, na isang uri ng banal na awit na monoponiko at hindi sinasaliwan ng musika, sa pangkanlurang Simbahang Kristiyano. Pangunahing umunlad ang kantang Gregoriano sa Kanlurang Europa at sa Gitnang Europa noong ika-9 at ika-10 mga daantaon, na pagdaka ay nagkaroon ng mga karagdagan at mga pagbabawas. Bagamang inilalaan ng karaniwang alamat na si Papa Gregorio I (Papa San Gregorio na Dakila) ang umimbento ng awiting Gregoriano, pinaniniwalaan ng mga paham (mga iskolar) na nagmula ito sa isang mas nahuhuling sintesis o pagbubuo na Carolingiano ng awiting Romano at awiting Gallikano.

Sa una, ang mga awiting Gregoriano ay nakaayos sa apat, pagdaka ay walo, at sa panghuli ay labindalawang mga modo (gawi). Ang tipikal na mga katampukang pangmelodiya ay kinabibilangan ng mga katangian nitong mga ambitus, mga padrong mayroong interbal o agwat (pagsasalitan) na mayroong kaugnayan sa isang salitang katapusang modo, mga incipit at mga kadensiya, ang paggamit ng mga tonong pabigkas (tonong pangresitasyon o pasalaysay) na mayroong partikular o tiyak na layo magmula sa pinal o pangwakas, na sa paligid nito ay umiinog ang iba pang mga nota ng melodiya, at isang talasalitaan (bokabularyo) ng mga paksa o motif na pangmusika na hinabing magkakasama sa pamamagitan ng isang prosesong tinatawag bilang kentonisasyon upang makalikha ng mga pamilya ng magkakaugnay na mga "awit na pabigkas". Ang padron ng eskala (huwaran ng sukat) ay mayroong organisasyon (pagkakaayos) na laban sa isang padrong panlikuran na binubuo ng mga tetrakord na nakaugnay (conjunct) at tinatanggal (disjunct), na lumilikha ng isang mas malaking sistema ng tinis (tono) na tinatawag bilang gamut. Ang mga awit ay maaaring awitin sa pamamagitan ng paggamit ng mga padrong may anim na mga nota na tinatawag bilang mga heksakord. Ang mga melodiyang Gregoriano ay nakaugaliang isinusulat sa gumagamit ng mga neume, isang maagang anyo ng notasyong pangmusika kung saan umunlad ang modernong tagdang mayroong apat na mga guhit at mayroong limang mga guhit.[1] Ang mga elaborasyon o detalyeng may maramihang mga tinig ng awiting Gregoriano, na tinatawag bilang organum, ay isang maagang hakbang sa pag-unlad ng poliponiyang sa Kanluraning Mundo.

Ang mga awit na Gregoriano ay tradisyunal na inaawit ng mga koro ng mga lalaking nasa wasto nang edad at ng mga batang lalaki sa mga simbahan, o ng kababaihan at kalalakihan ng mga ordeng relihiyoso sa loob ng kanilang mga kapilya. Ito ang tugtugin ng Ritong Romano, na isinasagawa sa Misa at sa Tanggapan (Opisina) ng monasteryo o kumbento. Bagaman ang kantang Gregoriano ay humalili o humawi sa iba pang mga nakaugaliang katutubong mga payak na awiting pabigkas ng Kristiyanong Kanluran upang maging opisyal na musika ng liturhiyang Kristiyano, ang awiting Ambrosiano ay patuloy pa ring ginagamit sa Milan, at mayroong mga musikologo (musikolohista) na gumagalugad sa kapwa mga awiting ito na kasama ang awiting Mozarabiko ng Espanyang Kristiyano. Bagamang ang awiting Gregoriano ay hindi na ngayon sapilitan o obligatoryo, opisyal pa ring isinasaalang-alang ito ng Simbahang Katoliko Romano bilang musikang naaangkop para sa pagsamba.[2] Noong ika-20 daantaon, ang awiting Gregoriano ay nagkaroon ng "muling pagkabuhay" ("muling pagsilang") na musikolohikal at may katanyagan.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Ang pag-unlad ng mga estilo ng notasyon ay tinatalakay sa Dolmetsch online, napuntahan noong 4 Hulyo 2006
  2. Ang Konstitusyon hinggil sa Banal na Liturhiya, Ikalawang Konseho ng Batikano; Papa Benedicto XVI: Catholic World News 28 Hunyo 2006, kapwa napuntahan noong 5 Hulyo 2006