Pumunta sa nilalaman

Richard Wagner

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Pagbabago noong 13:41, 13 Disyembre 2020 ni Glennznl (usapan | ambag)
(iba) ←Lumang pagbabago | Kasalukuyang pagbabago (iba) | Mas bagong pagbabago→ (iba)
Richard Wagner

Si Wilhelm Richard Wagner (22 Mayo 1813 – 13 Pebrero 1883) ay isang maimpluwensiyang kompositor na Aleman, music theorist, at essayist, ngunit mas kilala sa kanyang mga opera. Hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling itinatanghal ang kanyang musika. Ang pinakatanyag sa mga ito ay ang "Ride of the Valkyries" mula sa Die Walküre at ang "Bridal Chorus" mula sa Lohengrin. Napakakontrobersiyal din niya. Una, dahil sa kanyang mga pagbabago sa musika at drama, at ikalawa, dahil sa kanyang pagiging hayagang tagapagtaguyod ng mga ideyang anti-semitic o laban sa lahing Hudio.

Sa Umaga ng kanyang Buhay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Si Richard Wagner ay isinilang sa Leipzig, Alemanya, noong 22 Mayo 1813. Ang kanyang Ama, isang mababang opisyal sa Lungsod ng Leipzig, ay sumakabilangbuhay 6 na buwan makalipas ang kanyang Kapanganakan at noong Augusto 1814 ay nakipagisangdibdib na muli ang kanyang ina sa Aktor na si Ludwig Geyer. Si Geyer, na ayon sa bulong-bulungan ay ang siyang tunay na ama ng batang si Richard ay pumanaw noong ang munting batang ito ay 6 na taong gulang, kayat si Wagner ay naiwan sa pangangalaga ng kanyang Ina.

Ang may murang gulang na si Richard Wagner ay nagambisyon na maging manunulat ng Drama, at nagkaroon lamang ng interes sa musika upang palamutian lamang ang mga drama na kanyang nais na maisulat para sa entablado. Kalaunan ay bumaling siya sa pagaaaral ng Musika, at nagpatala siya sa Pamantasan ng Leipzig noong 1831. Ang taong unang nakaimpluwensiya sa kanya ay si Ludwig van Beethoven.

Noong 1833, sa murang gulang na 20, natapos likhain ni Wagner ang kaunaunahan niyang kumpletong opera, Die Feen (Mga Diwata). Ang operang ito na malinaw na ginaya ang istilo ni Karl Maria von Weber ay nanatiling hindi naitanghal hanggang 50 taon kinalaunan. Samantala, ay nahawakan niya ang pagiging direktor ng mga Tanghalang pangopera sa Magdeburg at Koenigsigsberg,kung saan ay naisulat niya ang Das Liebesverbot, base sa Dramang "Measure for Measure" ni William Shakespeare. Ang pangalawang pagtatangka na ito sa Opera ay naitanghal sa Magdeburg noong 1836, bagamat hindi umani ng gasinong tagumpay.

Noong 24 Nobyembre 1836, nakipagisangdibdib si Wagner sa Aktres na si Christine Wilhelmine "Minna" Planer, at sila'y nanirahan sa Lungsod ng Riga kung saan siya'y naging director pangmusika ng lokal na Tanghalan ng Opera. Ilang linggo kinalaunan, tumakas si Minna kasama ang isang opisyal militar na iniwanan din siya na wala man lamang ni isang kusing. Tnanggap muli siya ni Wagner, subalit simula ito ng isang miserableng buhay ng magasawa na magwawakas lamang makalipas ang 30 taon. Noong 1839, ang magasawa ay nagkautang ng gayong kalaki na kinailangang lisanin nila ang Lungsod ng Riga upang takasan ang mga nagpautang sa kanila. (Ang paulitulit na suliranin sa Utang ay naging suliranin ni Wagner hanggang sa huling mga sandali ng kanyang buhay) Sa kanilang pagtakas ay nakaranas sila ng matinding unos sa Karagatan patungong Londres, dito nakuha ni Wagner ang kanyang inspirasyon sa pagsulat Der fliegende Holländer. Nanirahan ang magasawa ng mga ilang taon sa Paris kung saan siyang sumulat ng mga artikulo at nagareglo para sa ibang mga Kompositor.

Si Wagner sa Lungsod ng Dresden

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nakumpleto ni Wagner ang ikatlo niyang opera, Rienzi, noong 1840. Hindi inaasahan, tinanggap ito upang itanghal sa Teatrong Pangkorte ng Dresden sa Lupain ng Saxony sa Alemanya. Noong 1842, ang magasawa ay lumipat sa Dresden kung saan itinanghal ang Rienzi na umani ng malaking tagumpay. Si Wagner ay nanirahan sa Dresden sa sumunod na 6 na taon, kasabay ng kanyang pagkahirang bilang Konduktor ng Korte Real ng Lupain ng Saxony. Dito niya naisulat at itinanghal ang Der fliegende Hollaender at Tannhauser, ang dalawa sa Kalagitnaang Bahagi ng kanyang mga opera.

Ang paninirahan niya sa Dresden ay nagwakas lamang ng si Wagner ay masangkot sa Politikang makakaliwa. Isang makabansang Kilusan ang bumabalot sa mga nagsasariling Lupain sa Alemanya, na tumatawag ng pansin upang magkaroon ng Dagadag na Kalayaan at upang bigkisin o pagisahin ang mga watak-watak na mahihinang lupain at makabuo ng isang bansang Aleman. Dibdiban ang pakikilahok ni Richard Wagner sa kilusang ito at naging mga panauhin niya sa kanyang tahanan ang kaibigan niyang si August Roeckel, na editor ng isang radikal na makakaliwang pahayagan na Volksblaetter, at ang Anarkistang Ruso na si Mikhail Bakunin.

Ang malawakang kawalan ng kasiyahan sa Pamahalaang Saxon ay dumating sa kainitan noong Abril 1849, nung ang Haring Frederick Augustus II ng Saxony ay binuwag ang Parlamento at tumangging ipairal ang Bagong Saligang-Batas na iginigiit sa kanya ng mga mamamayan. Ang Paghihimagsik sa (buwan ng)Mayo ay sumiklab kung saan si Wagner ay kasangkot bagama't sa isang maliit na papel. Ang bubot na Himagsikan ay maagang dinurog ng pinagsanib na Lakas ng Tropang Saxon at Prussia, ang Mandamiento de Aresto (Kalatas sa Pagdakip) ay inilabas upang dakpin ang mga naghihimagsik. Si Wagner ay napilitang tumakas patungong Paris, pagkatapos nito sa Lungsod Zeurich Swiso. Hindi nagawang makatakas nina Roeckel at Bakunin na humantong sa mahabang mga taon ng pagdurusa sa Bilangguan

Pagtakas, Inpluwensiya ni Schopenhauer, at Mathilde Wesendonk

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginugol ni Wagner ang mga sumunod na 12 taon sa labas ng sariling bansa. Nakumpleto na niya ang Lohengrin bago pa man ang himagsikan sa Dresden at sinulatan niya ang kaibigang si Franz Liszt upang himukin itong itanghal ang opera kahit na wala siya sa Alemanya. Si Liszt, na napatunayang isang tunay na kaibigan sa panahon ng kagipitan, ay sumangayon na ipalabas ang opera sa Kaunaunahang Pagkakataon sa Weimar noong Agosto 1850.

Magkagayunpaman, natagpuan ni Wagner ang sarili sa isang miserableng kalalagayan, hiwalay sa daigdig ng musikang Aleman at walang maituturing na pinagkakakitaan. Ang mga pautikutik na mga notang kanyang isinusulat ay lalago bilang isang Dambuhalang Kathang Musika. Ang Ring Cycle na tinaguriang Der Ring des Nibelungen, ay waring walang pagasa na maisatanghal. Ang kanyang asawang si Minna na hindi nakitaan ng pagpapahalaga o paghanga sa kanyang mga Obra matapos ang Rienzi ay nagumon sa Kalungkutan at kawalan ng pagasa. Sa wakas ay nagkasakit si Wagner ng erysipelas, na nagpahirap sa kanya na makapagpatuloy ng pagsulat. Ang unang naisagawa ni Wagner noong unang mga taon niya sa Zurich ay ang mga Sanaysay : "Ang Likhang-Sining sa Hinaharap" (1849), kung saan ay inilarawan niya ang isang opera bilang Gesamtkunstwerk, o "pinagsanib na Likhangsining", kung saan ang mga ibat-ibang Sining gaya ng musika, awit, sayaw, mga tula, sining na napagmamasdan, at mga likhaing pangentablado ay nagsamamsama upang makabuo ng isang kaisahan. Sinulat din niya ang "Judaism in Music" (1850), ang laban sa Hudyong polyeto na ipinatatama laban sa mga Kompositor na Hudyo. At ang "Opera at Drama" (1851), na tumatalakay sa mga ideang aestetiko na isasakaganapan niya sa mga yugto ng opera ng Ring cycle.

Sa mga sumunod na taon ay nakatagpo si Wagner ng dalawang bukal ng Inspirasyon na gagabay sa kanyang buhay at ito rin ang naging inspirasyon niya sa paglikha niya ng sikat niyang Obra ang Tristan at isolde. Ang unang inspirasyon ay dumating noong 1854, nang ang kanyang kaibigang makata na si Georg Herwegh ay nagmulat sa kanyang mga mata upang pagaralan ang mga isinulat na aklat ng philosopong si Arthur Schopenhauer. Sa kalaunan ay tinawag ni Wagner ang yugtong ito na isa sa pinakamahalagang pangyayari sa kanyang buhay. Ang personal na katatayuan niya nung mga panahong iyon ay nagpadali upang maging konverte siya sa Pilosopiya ni Schopenhauer na nakasentro sa isang malalim at malungkot na pananaw sa kondisyon ng buhay ng sangkatauhan. Nanatili siyang tagasunod sa pananaw ni Schopenhauer habang buhay kahit na umangat na siya sa kanyang abang kalalgayan. Ang isa sa mga doktrina ni Schopenhauer ay konsepto kung saan ang musika ay iniluluklok sa pinakamataas na luklukan ng Sining kung ihahambing sa ibang uri ng Sining. Yayamang ito lamang ang Sining na walang kinalaman o hindi nakasalig sa materyosong daigdig. Walang atubiling niyakap ng may galak sa puso ni Wagner ang pilosopiyang ito ni Schopenhauer.

Ang mga palaaral kay Wagner ay nagsasabi na ang pilosopiyang ito ni Schopenhauer ang siyang nagbunsod upang ilagay ni Wagner ang musika sa nangingibabaw na posisyon sa mga huli niyang opera kasama na rito ang kalahating ng Ring Cycle ( Sigfried at Die Goetterdaemmerung) na isusulat pa lamang niya. Maraming aspeto sa pilosopiya at doktrina ni Schopenhauer ay pumasok kinalaunan sa libretti ni Wahner. Halimabawa ang mapagtakwil sa sarili na si Hans Sachs sa operang Die Meistersinger, itinuturing na pinaka simpatetikong Karakter, ay likhangisipan ni Schopenhauer (bagamat ito'y salig sa tunay na tao).

Ang pangalawang bukal ng inspirasyon ni Wagner ay ang makatang-manunulat na si Mathilde Wesendonck, ginang ng negosyante sa telang seda na si Otto von Wesendonck. Nakilala ni Wagner ang mga Wesendoncks sa Zuerich noong 1852. Si Otto, isang panatikong tagahanga ng musika ni Wagner ay nagpatayo ng isang munting bahay sa kanyang ariarian upang tirahan ni Wagner. Noong 1857, nahulog ang loob ni Wagner kay Mathilde. Bagaman at tinutugunan naman ni Mathilde ang damdamin ni Wagner.walang intensiyon ang una na masira ang Kasal nila ni Otto Wesendocks. Ipinababtid ni Mathilde sa asawa ang mga pagtatagpo nila ni Wagner. Ang kanilang tipanan ang nagbunsod kay Wagner upang isaisantabi muna ang kanyang Ring cycle (na ipagpapatuloy lamang niya sa mga susunod na 12 taon) upang simulan ang Dramang-musika na Tristan und Isolde, salig sa Salayasay ng Pagibiigan ng Kabalyerong si Tristan at ng may-asawa nang si Isolde na hango naman sa Alamat ni Haring Arthur. Ang kanilang tipanan ay nagwakas noong 1858, nang harangin ni Minna ang isang liham mula Wagner para kay Mathilde. Sinundan ito ng away, at si Wagner ay nagtungo nagiisa sa Zurich, upang tumuloy kinalaiunan sa Venice. Nang sumunod na taon ay tumuloy siyang muli sa Paris upang pamahalaan ang binagong bersiyon ng Tannhauser, na naitanghal sa tulong ng Prinsesa de Metternich. Ang unang Pagtatanghal ng Tannhauser nong 1861 ay isang kabiguan, kagagawan ng mga aristokrato mula Jockey Club. Ang iba pang pagtatanghal nito ay kinansel at dali-daling nilisan ni Wagner ang Lungsod ng Paris.

Noong 1861, ang pagharang kay Wagner na makapasok sa Alemanya ay inalis, at ang Kompositor ay nanirahan sa Biebrich, Prussia, kung saan niya pinasimulan na likhain ang operang Die Meistersinger von Nuernberg. Kapansinpansin ang operang ito ang pinakamasaya sa kanyang mga nilikha. (Ang kanyang pangalawang asawa na si Cosima ay sumulat sa bandang huli: "Kung ang mga lahing hinaharap ay maghahanap ng kaginhawahan sa natatanging obrang ito, alalahanin lamang nila ang mga luhang pumatak kung saan nagmula ang matatamis na ngiti") Noong 1862, nakipaghiwalay si Wagner kay Minna, samantalang patuloy ang suportang finansiyal niya sa kanya hanggang sa kamatayan nito noong 1866.

Ang Pagtangkilik ni Haring Ludwig II

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Si Richard at Cosima Wagner

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Kapalaran ni Wagner ay dramatikong pumihit noong taong 1864, nang si haring Ludwig II ay maluklok sa trono bilang Hari ng Bavaria sa murang gulang na 18. Ang batang Hari, isang marubdob na tagahanga ni Wagner buhat pa sa pagkabata ay ipinatawag si Wagner sa Munich, Punong Lungsod ng Bavaria. Binayaran ng Hari ang lahat ng pagkakautang ni Wagner at nagplano upang may maitanghal na bagong opera. Matapos ang napakahirap na pageensayo ay naitanghal ng matagumpay ang operang Tristan at Isolde sa Teatrong PangKorte ng Munich noong 10 Hunyo 1865.

Samantala ay nasangkot na naman si Wagner sa isang bagong kalaguyo, ngayon naman ay kay Cosima von Buellow, ang ginang ng Konductor na Hans von Buellow, isa sa marubdob na tagatangkilik ni Wagner at ang kumumpas sa unang pagtatanghal ng Tristan at Isolde. Si Cosima ay ang anak ni Franz Liszt at ng tanyag na Kondesang Marie d'Agoult, at siya'y may 24 taong nakakabata kay Wagner. Bagamat magkaibigang matalik si Liszt at Wagner ay hindi sumangayon ang una sa pakikipagtipan ni Cosima kay Wagner. Noong Abril 1865, ay nagsilang siya sa ilehitimong anak na babae ni Wagner, na tinawag niyang Isolde. Ang kanilang tipanan ay lumikha ng malaking iskandalo sa Munich, at pinalala pa ito ng hindi magkaroon ng pagkakaintindihan ang mga miyembro ng Korte dahilan sa labis na impluwensiya ni Wagner sa Haring Ludwig II. Noong Disyembre 1865, napilitan ang Hari na himukin si Wagner na lisanin ang Lunsod ng Munich. Waring pinagisipan din niya na bumaba sa pagiging Hari upang sundan ang kanyang Bayani sa ibang bayan, sa Wakas hinimok ni Wagner ang Hari na hwag gawin ito.

Pinatuloy ni Haring Ludwig si Wagner sa villa Triebschen, katabi ng Lawa Lucerne sa Switzerland. Nakumpleto ang Die Meistersinger sa Triebschen noong 1867, at itinanghal sa Munich noong ika-21 ng Hunyo sa sumunod na taon. Nang buwan ng Oktubre, ay nakumbinse ni Cosima si Hans von Buellow na makipagdiborsiyo. Si Richard at Cosima ay ikinasal noong 25 Agosto 1870. (Sa mga panahong ito ay hindi nakipagusap si Liszt sa kanyang manugang sa loob ng ilang mga taon) Sa kaaaarawan ng Pasko ng taon ding iyon, ay itinanghal ni Wagner ang Siegfried Idyll para sa Kaarawan ni Cosima. Ang Pakikipagisangdibdib kay Cosima ay nanatiling panghabangbuhay. Nagkaroon sila ng sumunod na anak na babae na si Eva at isang lalake na pinangalanang Siegfried.

Ang pamanang-yaman sa Sining ni Wagner ay binubuo ng mga opera o mga Dramang-Pangmusika (music dramas) na kanyang kinatha. Ang mga ito ay humigit-kumulang na nahahati sa tatlong Pangkat. Ang mga naunang tatlong opera ay ang: Die Feen (Mga Diwata), Das Liebesverbot (ang Bawal na Pagibig), at Rienzi. Ang mga ito'y bihira nang itanghal sa kasalukuyan bagama't ang Overture sa Operang Rienzi ay kadalasan pa ring tinutugtog ng mga Orkestra at napaka popular lalu na sa mga Bandang Pagkonsierto sa Pilipinas.

Ang mga nilikha ni Wagner sa Kalagitnaang-Yugto ng kanyang Kapanahunan ay maituturing na kapansinpansing may mataaas na uri, na nagsimula sa Der fliegende Hollaender (Ang lumilipad na Holandes), na sinundan ng Tannhauser at Lohengrin

Ang mga opera sa panahon ng Kahinugang Yugto (matured period) ay ang Tristan und Isolde (Si Tristan at si Isolde), na itinuturing na kanyang Dalub-Katha (Dalubhasang-Katha) o obramaestra. Ang sumunod ay ang Die Meistersinger von Nuerberg (Mga Dalubhasangmangaawit sa Nuremberg), ang kaisaisang Komedia sa kanyang mga Obra bukod sa Das Liebesverbot, at isa sa pinakamahabang opera na hanggang sa kasalukuyan ay itinatanghal pa rin. Ito ay sinundan ng Der Ring des Nibelungen, na karaniwang tinatawag na The Ring Cycle, isang set ng apat na opera salig sa Mitolohiyang Aleman at Scandinavian. Tumatagal ng humigit kumulang na 16 oras kung itatanghal, Ang Ring cycle ay tinagurian na isa sa Pinakaambisyosong Katha na naisagawa. Ang pinakahuling opera ni Wagner ay ang Parsifal, isang mapaggunamgunam na Likha hango sa matandang Kristiyanong Alamat tungkol sa Banal na Kalis (the Holy Grail.)

Sa pamamagitan ng kanyang mga opera at sanaysay-teoretika, ay naimpluwensiyahan niya ang Sining ng Opera. Siya ay isang tagapagsulong ng isang Porma ng Opera na tinatawag niyang "music drama", kung saan ang lahat ng elemento o sangkap na pangmusika at dramatika ay naglagum-lagum upang makabuo ng isang Likhang-Sining (Gesamtkunstwerk). Tungo sa ganitong layunin ay napagbuti niya ang isang Istilong Pangkomposisyon kung saan ang Orkestra ay nagtataglay ng dramatikong Papel na katumbas mismo ng Papel na ginagampanan ng mga mangaawit. Ang pagiging ekspresibo ng Orkestra ay inaayudahan ng paggamit ng leitmotifs, mga mumunting butil ng temang musika na umaagapay sa isang karakter ng drama o ng isang Plot, kung saan ang isang partikular na leitmotif ay nakaakibat sa isang karakter sa tuwinang ito'y magpapakita o susulpot sa entablado o kung ang isang idea o tema gaya ng tema ng "Pagibig" ay mababanggit ay sasabayan naman ito ng leitmotif o musikang kaakibat nito. Ang paggamit ng leitmotif ay ang elemento na nagbibigay buhay at liwanag sa paginog ng istorya.

Di tulad ng ibang Kompositor ng Opera, na ibinibigay sa iba ang bahagi ng pagsulat sa libretto (Ang texto at ang lyrics), isinulat ni Wagner ang sarili niyang libretti, na tinagurian niyang "mga tula". Ang mga plot ng kanyang istorya ay hango sa mga Alamat at Mitolohiyang Europeo.

Ang istilong pangmusika ni Wagner ay maituturing na pinakarurok o nagtataglay ng pinakamataas na Antas sa Panahong Romantiko sa Kasaysayan ng Musika, dahilan sa nagawa nito na suyurin ang expressiong pang-emotional. Ipinakilala niya ang mga bagong idea sa Harmonya at sa Anyo ng musika, kasama na rito ang labis na Kromaticismo. Sa Dramang Pangmusika na Tristan und Isolde, pumasakabila pa siya sa hangganan ng tradisyonal na sistema ng Katonohan (Tonality) na nagbibigay sa Tono at sa Akorde ng kakanyahan. Ito ay nagbigay daan sa Atonalidad sa Ika-20 Siglo. May mga manunulat ng Kasaysayan ng Musika na nagpapalagay na ang simula ng Musikang moderna ay nagsimula sa mga unang Akorde ng Tristan und Isolde (ang tinatawag na Akorde ng Tristan).