Ang Hadith o Hadiz (hango sa wikang Arabeng may literal na kahulugang "salaysay") ay mga pagsasalaysay na nakatuon sa mga sinabi at mga nagawa ng propeta ng Islam na si Muhammad. Itinuturing ng pangmuslim na mga paaralan ng hurisprudensiya ang Hadith bilang mahahalagang mga kasangkapan para sa pag-unawa ng Koran at sa mga paksa ng Fiqh.[1] Ang Hadith ay sinuri at tinipon upang maging isang malaking kalipunan noong kapanahunan ng pamumuno ni Umar ibn AbdulAziz noong ika-8 at ika-9 na mga daantaon. Ang mga akdang ito ay tinutukoy sa mga paksang may kaugnayan sa Sharia o batas ng Islam at kasaysayang Muslim magpahanggang sa kasalukuyan. Ang dalawang pangunahing mga dominasyon ng Islam: ang Shi'ismo at Sunnismo ay may magkakaibang mga pangkat ng mga koleksiyon ng Hadith.

Kahulugan

baguhin

Ang salitang hadith ay nangangahulugang bago o isang piraso ng kabatiran.[2] Ang pangrelihiyong kahulugan nito ay pahayag, kilos, o pagpayag na patungkol sa propeta ng Islam na si Muhammad.[3] Kung gayon ang Hadith ay maaaring hatiin sa tatlong mga kategorya ayon sa kanilang mga nilalaman:

  1. Ang pahayag ng Propeta
  2. Ang kilos ng Propeta
  3. Ang pagpayag o pagsang-ayon ng Propeta sa isang kilos ng ibang tao bukod sa kanya

Kasaysayan

baguhin

Pagkaraang mamatay ni Muhammad, nagsulat ang mga dalubhasang Muslim ng mga kuwento tungkuol sa mga sinabi at mga ginawa niya. Nagsulat din sila ng tungkol sa kung sino ang nagsulat ng bawat isang kuwento. Ilan sa mga paglalahad ay muling isinalaysay ng pasalita ng maraming mga ulit bago naisulat, at may ilang mga kuwento na hindi sumasang-ayon sa bawat isang mga detalyeng nagreresulta sa isinagawang mga detalyadong pag-aaral at paghahambing ng mga Hadith. Batay sa pagtitipon at paghahambing na ginawa ng mga dalubhasa, nagpasya sila kung aling Hadith ang tunay na mga tala ng Sunnah o "mga salita at mga gawain ni Muhammad." Tinatanaw ng mga Muslim ang Sunnah bilang isang mahalagang mapagkukunan ng gabay na kasama ng Koran.

Mga sanggunian

baguhin
  1. Ibn Hajar, Ahmad. al-Nukat ala Kitab ibn al-Salah, tomo 1, pahina 90. Maktabah al-Furqan.
  2. Lisan al-`Arab, Ibn Manthour, 2:350; Cairo, Dar al-Hadith.
  3. Qawa`id al-Tahdith, Jamal al-Din al-Qasimi, pahina 61; Beirut, Dar al-Nafais.