Aklat ng mga Panaghoy

beynte-ikalima libro ng Biblya, kompuwesto ng 5 kabanatas
Lumang Tipan ng Bibliya

Ang Aklat ng mga Panaghoy o Mga Lamentasyon [1][2] (Ebreo: איכה, ekha, "aba") ay isa sa mga aklat na isinulat ng mga propeta na nasa Lumang Tipan ng Bibliya. Isa itong katipunan ng limang mga tula ng paghibik na sanhi ng pagkakawasak ng Herusalem noong 586 BK o 587 BK.[1][3] Naganap din ang mga pagdadalamhati dahil sa naibungang pagkakatapon ng mga mamamayan ng Israel. Ginagamit ng mga Hudyo ang mga tulang ito sa kanilang taunang pag-aayuno para gunitain ang kapahamakang naganap sa kanilang bansa noong 586 BK.[2] Nilalarawang pambayan at pangsariling damdamin ng mga paghikbing ito, at dulot din ng mga paghihirap na natamo ng mga Hudyo mula sa mananakop na mga Babilonyano.[3] Tuwing Mahal na Araw naman ng mga Kristiyano, inaawit ng Simbahang Katoliko ang mga nilalaman ng Aklat ng mga Panaghoy. Ginagawa ito para "tangisan ang kalunus-lunos na kalagayan ng sambayanang Kristiyano."[1]

May-katha

baguhin

Hindi lubos na natitiyak kung sino ang sumulat ng Aklat ng mga Panaghoy, ngunit nakaugaliang i-ugnay ang propetang si Jeremias bilang may akda nito, bagaman maraming pagkakaiba sa napatunayang akda niya, ang Aklat ni Jeremias.[3]

 
Si Jeremias, Nananaghoy sa Pagguho ng Herusalem, guhit ni Rembrandt.

Kabilang sa pangkaraniwang paksang-diwa sa Aklat ng mga Panaghoy ang paghihirap ng mga tao, ang paglisan ng Diyos mula sa kanilang piling, at ang pagkakaroon ng pag-asang muling ibabalik ng Diyos ang isang nagsisi at nagpapakababang-loob na bansang Israel, maging ang paniniwalang itatatag muli ng Diyos ang isang maluwalhati at magiting na bayang Israel.[3] Sinisisi ng propetang si Jeremias ang bansang Israel dahil sa kanilang pagsuway sa mga utos ng Diyos. Para kay Jeremias, ang pagsuway na ito ng mga Israelita sa mga tagubilin ng Diyos ang naging sanhi ng mga "kalagim-lagim na mga pangyayaring sinapit nila." Subalit, sa kabila nito, hinikayat pa rin ni Jeremias ang mga mamamayan na magsipagbalik-loob sa Diyos na makatarungan at maawain.[1]

Panahon ng pagsulat

baguhin

Ipinepetsa ang pagkakasulat ng Aklat ng mga Panaghoy sa taong 538 BK, noong pahintulutang makabalik ang mga Hudyo mula sa kanilang pagkakadalang-bihag sa Babilonya, pabalik sa isang nawasak na Herusalem.[3] Subalit sinasabi rin na maaaring isinulat ito ni Jeremias noong 587 BK dahil sa paglusob ng mga Caldeo, ang mga mananakop na nagpaguho sa Herusalem.[1]

Kayarian ng aklat

baguhin

Isinulat ang kalipunang ito ng mga "tulaing nanaghoy" na tumutugma ang bawat talata sa tig-iisang titik ng abakada ng wikang Ebreo, ang dahilan kung bakit tinatawag din ang libro bilang mga "tulang alpabetiko." Binubuo ang aklat ng apat na pangkat ng "mga panaghoy". Naglalaman ang wakas ng isang panalangin ni Jeremias.[1]

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 Abriol, Jose C. (2000). "Mga Panaghoy". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 "Aklat ng mga Panaghoy". Ang Biblia/Bagong Magandang Balita Biblia (Lumang Tipan, Deuterocanonico at Bagong Tipan). Philippine Bible Society, Lungsod ng Batangas, Pilipinas. 2008.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 Reader's Digest (1995). "Lamentations". The Reader's Digest Bible, Illustrated Edition (Condensed from the Revised Standard Version: Old and New Testaments). The Reader's Digest Association, Inc., Pleasantville, London/New York/Montreal/Sydney/Auckland/Cape Town, ISBN 0276420136.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga panlabas na kawing

baguhin