Pumunta sa nilalaman

Heron ng Alehandriya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Hero of Alexandria)
Heron ng Alejandria
Kapanganakan10 (Huliyano)
  • (Alexandria Governorate, Ehipto)
Kamatayan75 (Huliyano)
Trabahomatematiko, pisiko, inhenyero, imbentor

Si Heron ng Alejandria o Hero ng Alexandria (ipinanganak noong mga 20 AD) ay isang Griyegong matematiko at imbentor.

Namuhay siya sa Alejandria, Ehipto. Kilala siya dahil sa kanyang nalikhang makinang de-singaw (Ingles: steam engine), isang makinang itinuturing lamang na laruan noong panahon niya. Gumana ang kanyang pinasisingawang makina sa pamamagitan ng singaw na pumipilit sa isang bola o timbulog na pumunta sa kabilang direksiyon o daan, isang kaparaanang nagpapaandar sa mga pangkasalukuyang pandilig o pangwisik ng tubig sa damuhan ng hardin at mga makina ng jet plane o eroplanong sumisibad.

Marami pa siyang nagawang iba pang mga imbensiyong katulad ng mga enggranahe, mga dalawit, mga salamin, isang uri ng metro ng taksing para sa mga karuwaheng pandigma na sumusukat sa layo ng nararating ng mga sasakyang ito, modelong tanghalan o teatrong may mga pigura ng mga tau-tauhang aktor na kusang gumagalaw, at isang templong may mga pintong kusang bumubukas kapag may apoy na nakasindi sa altar nito. Karamihan sa kanyang mga imbensiyon ang itinuturing na panglibangan o pang-aliw lamang at walang mga paggamit na praktikal. Naging layunin lamang ni Heron ang pagbibigay-aliw at pagpapakita ng mga prinsipyo kung paano gumagana ang mga salamin, dalawit, at iba pang mga aparato.

Natuklasan ni Heron ang prinsipyo o dahilan kung paano nagpapatalbog ng liwanag ang mga salamin. Siya rin ang unang nakaunawa sa kalikasan ng hangin. Naipaliwanag niya na maaaring ipaloob ang hangin sa loob ng isang maliit na espasyo dahil sa binubuo ang hangin ng mga atomong nagiging magkakalapit at magkakadikit kapag sinisiksik o sumailalim sa kumpresyon.[1]

Sa matematika, nakilala siya dahil sa pagpapatibay sa pormula ng pagkuha ng sukat ng tatsulok sa pamamagitan lamang ng mga haba ng gilid.

  1. Firth, Lesley (Patnugot Panlahat) atbp. (1985). "Who was Hero of Alexandria?". Who Were They? The Simon & Schuster Color Illustrated Question & Answer Book. Little Simon Book, Simon & Schuster, Inc., Lungsod ng Bagong York, ISBN 0671604767.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 44.

Matematiko Ang lathalaing ito na tungkol sa Matematiko ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.