Panahong Asuka
Ang panahon ng Asuka ay kinilala sa maraming pagbabago sa larangan ng sining, panlipunan at pampolitika na nagsimula sa huling bahagi ng Panahon ng Kofun. Ang pangalang Asuka ay galing sa isang rehiyon (timog ng presenteng Nara) na kung saan maraming mga pansamantalang kapitolyo ng bansa ang itinayo. Sa panahong Asuka din sinimulang gamitin ang pangalang Nihon o Dai Nippon para tawagin ang buong bansa ng Japan.
Sa panahong ito, lalo pang umusbong ang estado ng Yamato at ang kanyang imperyal na Korte. Ipinamalas ng Korteng ito ang kanyang kontrol sa mga angkang-tribo na nasa Kyushu at Honshu. Nagpataw ito ng mga maharlikang titulo na namamana sa mga pinuno ng mga tribo dito.
Kapag binanggit ang pangalang Yamato noong unang panahon ang ibig sabihin din nito ay kasing kahulugan ng bansang Japan. Kinilala ang kapangyarihang imperyal ng Yamato dahil sa pagpuksa at pagkubkob nila sa iba't ibang angkan at lupain.
Halaw sa modelo ng sinaunang Tsina ang kanilang istrukturang pampolitika. Gumawa sila ng isang sentralisadong pamumuno at ng isang maharlikang korte na kinuha nila sa mga pinuno ng mga angkang kanilang sinakop. Bagaman sentralisado ang pumunuan hindi sila nagtatag ng isang permanenteng kapitolyo. Sa panahong ding ito, kinopya, at kinukop nila ang pagsulat ng mga tsino ng kung tawagin ay kanji.
Sa kalagitnaan ng ikapitong dangtaon, lumaki pa ang lupaing teritoryal at mga lupaing pansakahan sa ilalim na Yamato at natural din na lumaki ang sakit ng ulo ng mga namumuno. Dahil dito nangailan sila ng sentralisadong polisiya ng nagbago ng kalagayang putikal at kalagayang panglipunan. Binuo nila ang mga bayan-bayan bilang batayang yunit ng pamamahala, at ang lipunan ay igrinupo o pinangkat-pangkat ayon sa kanilang mga trabaho. Karamihan sa mga tao ay magsasaka, ang iba ay mangingisda, mananabi, tagagawa ng mga palayok at banga, tagagawa ng mga balabal-pandigma, at mga espesyalista sa mga ritwal.
Ipinakasal ng Pamilyang Soga ang kanilang mga anak sa maharlikang pamilya ng Imperyo. At noong taong 587, si Umako Soga, ang pinuno ng angkang Soga, ay nagkaroon ng malawakang kapangyarihang pampolitika na kung saan nagawa niyang iluklok ang kanyang pamangkin bilang Emperador pero di naglaon ay ipinapatay niya din ito. Ipinalit ni Umako Soga si Emperador (o Emperatris) Suiko (592-628).
Si Emperatris Suiko ay isa lamang sa walong babae na umupo bilang Emperador sa Trono ng Krisantemo. (Sa Panahon ng Meiji lamang tinuldukan ang pag-upo ng mga babae sa Trono at ang Emperatris simula noon ay tawag na lang sa asawa ng Emperador)
Si Emperador Suiko ay naging pinunong sagisag lamang dahil ang tunay na namumuno talaga ay Umako Soga at ang Prinsipeng Pansamantalang Pinuno (Regent) na si Shotoku Taishi (574-622). Si Shotoku Taishi ay kilala bilang isang dakilang mangingisip sa panahong ito ng reporma. Isang siyang deboto ng Budismo at may malawak na kaalaman sa Panitikang Tsino. Impluwensiyado siya ng mga prinsipyo at kaisipan ni Confucius, lalo na ang yaong sinasabing Kautusan ng Langit. Sa ilalim ng kautusang ito sinasabi na ang maharlika ay namumuno lamang ayon sa kagustuhan ng banal sa kapangyarihan sa langit.
Sa ilalim ng pamumuno ni Shotoku, kinopya niya ang ranggo at mga akmang gawain ng mga alagad ni Confucius at sa labimpitong artikulong Saligang Batas na isinulat ni Shotoku ay inilatag niya kung papaano magkakaroon ng katiwasayan sa isang lipunan batay sa mga pangaral ni Confucius.
Kinopya din ni Shotoku ang kalendaryong Tsino. Gumawa din siya ng mga lansangang nag-uugnay ugnay, nagtayo siya ng napakaraming mga templong para sa Budismo, nangalap din siya ng mga nakasulat na kaganapan sa kanyang korte, nagpadala ng mga mag-aaral sa Tsina para pag-aralan ang Budismo at Konpyusyanismo, at nagpundar siya ng isang pormal na diplomatikong ugnayan sa Tsina.
Napakaraming mga embahador, pari at mga estudyante ang ipinadala sa Tsina noong ikapitong daangtaon. Ang ilan ay namalagi doon ng higit pa sa dalawampung taon, at iyong mga bumalik ay kinilalang mga magagaling na repormador.
Ang isang ikinagalit ng mga Tsino kay Shotoku ay ang paghahangad nitong maging pantay ang turing niya sa Emperador ng Tsina sa pagpapadala niya ng sulat na may katagang “Mula sa Anak ng Langit sa Lupang Sinisikatan ng Araw patungo sa Anak ng Langit sa Lupang Kinalulubugan ng Araw.”
Naging pasimuno itong hakbang ni Shotoku para hindi uriing isang mababang klase ang ugnayan ng Japan sa Tsina. Dahil sa patuloy na ugnayan ng Japan at Tsina patuloy na nagbago dito ang kulturang Hapones. Dati-rati malakas ang ugnayan at impluwensiya ng kaharian ng Korea sa panahon ng Kofun pero dahil sa patuloy na opisyal na misyon sa Tsina humina naman ang impluwensiya ng Korea sa Japan.
Dalawang dekada makalipas mamatay sina Shotoku (622), Soga Umako (626) at Emperatris Suiko (628), ang mga intriga sa Korte at ang bantang pananakop ng mga Tsino ang siyang naging usbong para magkaroon ng kudeta laban sa paniniil ng mga Soga noong taong 645. Pinangunahan ni Prinsipe Naka at Kamatari Nakatomi ang pag-aaklas na naging matagumpay naman kung kayat nabawi nila ang kapangyarihan sa kamay ng Pamilyang Soga. Itinulak nila ang Repormang Taika.
Bagamat hindi ito isang legal na batas, ang Repormang Taika ay nag-utos ng mga sunod-sunod na pagbabago na bumuo ng sistemang ritsuryo. Isang mekanismo na nagpabago ng lipunan, panunungkulan, at sa pamamahala mula ikapito hanggang ikasampung daangtaon. Ang Ritsu ay mga kodigo penal na may nagsasabing halaw sa mga Tsino samantalang ang ryo ay kodigo ng pamamahala na halaw sa lokal na konteksto. Kapag pinagsama ang dalawang termino, ito nagbibigay ngalan sa isang sistemang patrimonyal na nakabase sa isang magarbong kodigo ng batas.
Ang reportmang Taika na impluwensiyado ng mga kaugaliang Tsino ay nagsimula sa pamamahagi ng lupa para putulin ang pagmamay-ari ng mga malalaking angkan at ang kanilang kapangyarihan sa mga taong naninirahan dito. Iyong mga dating tinawag na pribadong lupa at mga pribadong tao ay naging pampublikong mga lupa at pampublikong mga tao. Isa itong paraan para ipakita ang kontrol ng Imperyong korte sa buong bansa at para gawin ang mga karaniwang tao na mga sinasakupan ng trono para sumunod dito at hindi sa kanilang mga pinunong-bayan.
Sa panahong ito pinutol din ang kaugalian ng pagmamana ng lupa. Hindi na namamana ng lupa bagkus ay naibabalik sa estado ito kapag namatay na ang nagmamay-ari. Pinatawan din ng buwis ang mga ani sa seda, bulak, tela, sinulid, at marami pang produkto. Isang buwis para sa lakas paggawa ang binuhay para sa mga pagrerekrut ng mga sundalo at pagtatayo ng mga pagawaing bayan.
Tinanggal din ang mga namamanang titulo ng mga pinuno ng angkan, at tatlong ministro ang binuo para magpayo sa trono. Ito ay ang Kaliwang Ministro, Kanang Ministro, at Gitnang Ministro o Chancellor. Hinati-hati ang bansa sa mga lalawigan at pinamunuan ito ng mga gubernador na itinatalaga ng korte. Dito lamang hahatiin ang mga lalawigan sa kaniniyang distrito at baryo.
Si Naka ang naging Gitnang Ministro, at si Kamatari naman ay binigyan ng panibagong pamilyang pangalan na Fujiwara bilang tanda ng kanyang malaking serbisyo sa maharlikang pamilya. Si Fujiwara Kamatari ang naging una sa mga pinakamahabang linya sa mga aristokrata sa korte ng Imperyo. Sa panahon nila Naka at Fujiwara unang ginamit ang pangalang Nihon, o minsan Dai Nippon (Dakilang Japan) sa mga diplomatikong dokumento at mga kasulatan.
Pagkatapos ng pamumuno ng tiyuhin at ina ni Naka, umupo si Naka bilang si Emperador Tenji noong taong 662 na kung saan ginamit niya ang pangalang Tennou (o makalangit na maharlika). Itong panibagong titulo ay para iangat ang imahe ng angkan ng mga Yamato at para bigyang diin ang banal na pinagmulan ng maharlikang pamilya sa pag-asam na mailalayo ito sa mga politikang pagkilos gaya ng ginawa ng angkang Soga. Subalit sa loob ng maharlikang pamilya mismo ay nagkaroon ng mga sigalot dahil ang anak at kapatid ng emperador ay nag-aaway-away para sa trono. Ang kapatid ni Emperador Tenji ang nakakuha ng trono na naging si Emperador Temmu na kung saan lalo pa niyang pinagtibay ang reporma ni Tenji at kapangyarihan ng estado sa korte ng imperyo
Ang sistemang ritsuryo ay isinabatas sa tatlong bahagi o antas. Ito ay ang Kodigo Mi, Kodigo Asuka-Kiyomihara, at ang Kodigo Taiho o Kodigo ng Dakilang Kayamanan.
Ang Kodigo Mi ay nabuo noong taong 668, at ipinangalan sa lalawigan kung nasaan naroroon ang korte ni Emperador Tenji.
Ang Kodigo Asuka-Kiyomihara ay isinabatas noong taong 689 ni Emperatris Jito at ipinangalan kung nasaan ang Korte ng namayapang si Emperador Temmu.
Ang panghuling pagsasabatas nito ay noong taong 701 na pinangalanang Kodigo Taiho o Kodigo ng Dakilang Kayamanan na kung susuriing maigi ay pagsabatas lamang ng mga kodigo penal na merong mga magagaang parusa ayon modelo na batay sa mga tagasunod kay Confucius. Binaybay din dito ang isang sentralisadong pamamahala batay sa modelong Tsino sa pamamagitan ng kanyang Kagawaran ng mga Ritwal, na nakasandal sa paniniwalang Shinto. Nakasulat din dito ang pagkakaroon ng Kagawaran ng Estado na may ministro para sa sentral na pamamahala, seremonyas, ugnayang sibil, bahay tanggapan ng imperyo, ugnayang pangmasa at ang ingat-yaman.
Kinopya din nila ang sistemang pagsusulit para sa serbisyo sibil ng mga Tsino. Pero ang mga pumapasa dito ay hindi nakakaupo sa mataas na katungkulan sa Imperyo dahil pero mas nanaig ang tradisyon kesa sa eksaminasyon. Kung kayat ang pagiging anak ng isang maharlika ang siyang pangunahing kwalipikasyon para sa mas mataas na katungkulan sa imperyo.
Hindi din binanggit sa Kodigo Taiho kung papaano pipiliin ang mga magiging Emperador. Ilang mga Emperatris din ang umupo sa Trono ng Krisantemo mula ikalima hanggang ikawalong daangtaon hanggang sa tukuyin na na pawang mga lalaki na lamang ang uupo sa trono na paghahalinhinanan ama at anak nito, subalit meron ding, namumuno napunta sa tiyuhin o kapatid kesa sa anak.