Pamiminsalang sinadya

Sa mga hurisdiksiyon ng karaniwang batas, ang pamiminsalang sinadya (Ingles: tort) ay isang pagkakamaling sibil.[1] Ang batas sa sinadyang pamiminsala ay humaharap sa mga pagkakataon kung saan ang isang kaasalan ng tao ay hindi patas na nakapagdulot sa isa pang tao na makaranas ng kawalan o kapinsalaan. Ang isang pamiminsalang sinadya ay hindi maaaring isang kilos na hindi makabatas subalit nakakasanhi ng kapinsalaan. Pinapahintulutan ng batas ang sinumang napinsala na maipanumbalik ang nawala sa kanila. Ang batas sa pamiminsalang sinadya ay kaiba mula sa batas na pangkrimen na humaharap sa mga kalagayan kung saan ang mga kilos ng isang tao ay nakapagdulot ng pinsala sa lipunan sa pangkalahatan. Ang isang pagsasakdal ng pamiminsalang sinadya ay maaaring iharap ng sinuman na nagdusa ng kawalan pagkaraan ng isang pagsasakdal na pangbatas na sibil. Ang kasong pangkrimen ay may gawi na iharap ng estado, bagaman maaari rin ang mga prosekusyong pribado (pag-uusig na pribado).

Ipinagkakaiba rin ang batas sa pamiminsalang sinadya magmula sa karampatan (ekwidad), kung saan ang isang nagpepetisyon ay nagrereklamo ng isang paglabag sa ilang mga karapatan. Ang isang nagsagawa ng isang kilos na sinadyang nakapaminsala ay tinatawag sa Ingles bilang isang tortfeasor, na may literal na kahulugang " taong may pagkakasala" o "taong may pagkakamali". Ang katumbas ng pamiminsalang sinadya sa mga hurisdiksiyon ng batas na sibil ay ang salitang Ingles na delict (delikto) na may kahulugang "pagsuway sa batas" o "paglabag sa batas". Ang pamiminsalang sinadya ay maaaring bigyan ng kahulugan bilang isang pinsalang personal; o bilang isang "kilos na sibil bukod pa sa isang paglabag ng kontrata."[2]

Ang isang tao na nagdurusa dahil sa isang pinsalang sinadya ay maaaring makatanggap ng kabayaran o kompensasyon dahil sa mga "kapinsalaan", na karaniwang nasa anyo ng pananalapi, magmula sa tao o mga taong may kagagawan ng pinsala — o may pananagutan — dahil sa mga kapinsalaang iyon. Binibigyan ng kahulugan ng batas na para sa sinadyang pamiminsala kung ano ang isang pamiminsalang sinadya at, kung gayon, kung ang isang tao ay maaaring panagutin o hindi para sa isang kapinsalaan na naidulot nila. Ang mga pamiminsalang binigyang kahulugan ng batas ay hindi humahangga lamang sa mga kapinsalaang pangkatawan. Maaari rin itong kabilangan ng mga kapinsalaang pandamdamin, pangkabuhayan o pang-ekonomiya, o pangkarangalan o pangreputasyon, pati na mga paglabag sa pribasidad, pag-aari, o mga karapatang pangkonstitusyon (pansaligang-batas). Kung gayon, ang mga kaso ng pamiminsalang sinadya ay bumubuo ng ganitong mga paksang sari-sari, katulad ng mga aksidenteng pangsasakyan, maling pagkakabilanggo, depamasyon (paninira ng pangalan o dangal), liyabilidad na pamprodukto (pananagot sa produkto, para sa mga produktong pangkonsumo na may sira o may depekto), paglabag sa karapatang-ari, at polusyong pangkapaligiran (mga sinadyang pamiminsalang nakakalason), sa piling ng marami pang iba.

Sa karamihang nasa loob ng karaniwang batas ng mundo, ang pinaka nakikilalang pananagutan na pangpamiminsalang sinadya ay ang neglihensiya o kapabayaan. Kapag ang nasaktang partido ay makapagpapatunay na ang tao na pinaniniwalaang nakapagdulot ng kapinsalaan ay kumilos na nagpapabaya – iyong hindi nagsagawa ng makatuwirang pag-iingat upang maiwasan ang pananakit o pamiminsala ng ibang mga tao – papayagan ng batas sa pamiminsalang sinasadya ang pagbabayad-pinsala.

Subalit, kinikilala rin ng batas sa pamiminsalang sinadya ang mga pamiminsalang intensiyunal o kinusa (sinasadya), kung saan ang isang tao ay talagang kumilos sa isang paraan na nakapananakit ng ibang tao, at ang "mahigpit na pananagutan" ("strict liability") o ang "parang pamiminsalang sinadya" (quasi-tort), na nagpapahintulot ng panunumbalik sa ilalim ng ilang mga pagkakataon na hindi kakailanganin ang pagpapatunay ng kapabayaan.

Etimolohiya

baguhin

Ayon sa diksiyunaryong Webster, ang pinagmulan ng salitang tort sa Ingles ay ang Panggitnang Ingles, na may kahulugang "pinsala", na nagmula sa Angglo-Pranses, mula sa [[Lating Midyebal[[ na tortum, mula sa Latin na kasariang pambalana ng tortus na may kahulugang "baluktot", magmula sa pandiwaring pangnakaraan ng torquēre. Ang unang nalalamang paggamit nito ay noong 1586. Ang salitang Ingles na torture" ay mayroong katulad na simulaing pangwika, bagaman ang kahulugan nito ay humiwalay na papunta sa napaka naiibang direksiyon.

Mga kaurian

baguhin

Ang mga pamiminsalang sinadya ay maaaring iuri sa ilang mga kaparaanan: isa sa mga paraang ito ay ang paghiwalay-hiwalayin ang mga ito bilang Kapabayaan (Neglihensiya), Pamiminsalang Kinusa (ang tunay na Pamiminsalang Sinadya), at ang Parang Pamiminsalang Sinadya.

Ang pamantayang kilos sa pamiminsalang sinadya ay ang kapabayaan (pagpapabaya). Ang pamiminsalang sinadya na kapabayaan ay nagbibigay ng isang sanhi ng kilos na humahantong sa mga pinsala, o sa kaginhawahan, na sa bawat kalagayan ay dinisenyong prutektahan ang mga karapatang pambatas, kasama na ang kaligtasang pansarili, ari-arian, at sa ilang mga kaso, hindi mahihipo na mga kapakinabangang pangkabuhayan. Ang mga kilos ng kapabayaan ay kinasasamahan ng mga pag-aangkin na pangunahing nagmumula sa mga aksidenteng pangsasakyan at maraming mga uri ng aksidenteng nakapananakit ng sarili, kabilang na ang kapabayaang pangklinika, kapabayaan ng manggagawa at marami pang iba. Ang mga kaso ng pananagutang pamprodukto, katulad ng mga kinasasangkutan ng garantiya o warranty, ay maaari ring ituring bilang mga kilos ng kapabayaan, subalit madalas na mayroong isang mahalagang patong ng karagdagang nilalaman na makabatas.

Ang intensiyunal na pamiminsala o talagang sinadyang pamiminsala ay kinabibilangan ng, sa piling ng iba pa, ilang mga pamiminsalang sinadya na lumilitaw magmula sa hanapbuhay o paggamit ng lupain. Ang pamiminsalang sinadya ng pangyayamot (pambubuwisit), bilang halimbawa, ay kinasasangkutan ng mahigpit na pananagutan para sa isang kapit-bahay na nakikialam at humahadlang sa kasiyahan ng ibang tao na may kaugnay sa sarili nitong pag-aaring lupain. Ang pagpasok nang walang pahintulot o panghihimasok sa bakuran ay nakapagpapahintulot sa mga may-ari ng lupa na ihabla ang nanghimasok na tao (o ng kaniyang kayarian, katulad ng isang gusaling nakayungyong o nakalukob) sa kanilang lote. Mayroong ilang mga pamiminsalang sinadya talaga na hindi kinasasangkutan ng lupain. Kabilang sa mga halimbawa ang maling pagkakabilanggo, ang pamiminsalang sinadya ng hindi makabatas na paghuli (pag-aresto) o pagpapatigil sa isang tao, at depamasyon (paninirang-puri, maling bintang, o maling paratang; na mahahati bilang libelo at slander), kung saan ang maling impormasyon ay ikinakalat at nakasisira sa dangal o reputasyon ng nagsasakdal (nagdedemanda).

Sa ilang mga pagkakatoon, ang pag-unlad ng batas sa pamiminsalang sinadya ay nakapag-udyok sa mga mambabatas na lumikha ng panghaliling mga panlunas sa mga hindi pagkakasundo. Halimbawa na, sa ilang mga pook, lumitaw ang kompensasyon ng mga manggawa bilang isang tugong lehislatibo sa mga pagpapasya ng hukuman na nagtatakda kung hanggang saan aabot na maihahabla ng mga empleyado ang kanilang tagapagpahanapbuhay batay sa mga kapinsalaang natamo habang nagtatrabaho. Sa iba mga kaso, ang komentaryong legal ay humantong sa pag-unlad ng bagong mga sanhi ng pagkilos na nasa labas ng nakaugaliang mga pamiminsalang sinadya na nasa karaniwang batas. May kaluwagan na pinapangkat ang mga ito bilang mga "parang pamiminsalang sinadya" (mga quasi-tort sa Ingles) o mga pamiminsalang sinadya na may pananagutan (mga liability tort).

Mga sanggunian

baguhin
  1. Glanville Williams, or grounds for lawsuit. Learning the Law. Ikalabing-isang Edisyon. Stevens. 1982. p. 9
  2. What is Tort Law? Naka-arkibo 2011-12-25 sa Wayback Machine.. Pearson Rowe Solicitors. Nakuha noong 18 Disyembre 2011.